Hinga ng malalim, kaunting dasal, sabay bulong at pagkumbinse sa sarili na “malapit na”.
Alas-nuwebe ng umaga, ika-4 ng Abril taong 2023, nagsimulang lakbayin ng grupo na binubuo ng higit sa dalawampung kawani ng Municipal Government, Kapulisan, at Municipal Action Team ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad sa Bayan ng San Andres, Romblon, ang daan patungo sa Sitio Agbalagon, Barangay Marigondon Sur.
Upang marating ang lugar, kinakailangan maglakad sa maputik, mabato, at madulas na daanan; tumawid ng makailang ulit sa ilog; at umakyat sa gilid ng higit apatnapung talampakang talon. Sa kaunting pagkakamali, tiyak ang paghampas sa mga matutulis na bato na nag-aabang sa ibaba. Sa katunayan, mayroon nang mga naitalang aksidente kung saan ang iba ay sawing palad na sumakabilang buhay.
Hangad ng grupo na magbigay ng mga gamit pang-eskwela tulad ng bag, papel, notebook, ballpen, krayola, lapis, at tumbler gayundin ang pagkaing pritong manok, spaghetti, at donut, sa tatlumpung mag-aaral na nakatira sa lugar bilang isang Community Outreach initiative. Karamihan sa kanila ay mga anak ng mga magkokopra na itinalaga bilang mga caretaker ng nagmamay-ari ng lupain sa Sitio.
Alas-onse ng umaga nang matiwasay na nakarating ang grupo na tagaktak ng pawis, nangangatog ang mga tuhod at may bahagyang pagkainis sa kung sino man ang nakaisip ng gawain.
Agad naman itong napawi ng makita ang kasabikan ng mga mag-aaral at ng kanilang mga magulang na matanggap ang kaunting biyayang hatid ng grupo.
Nagsimula ang programa sa pamamagitan ng mga maiikling mensahe mula kina Municipal Social Welfare and Development Officer (MSWDO) Nina Joy Maines, Police Staff Sergeant Almaico Gadon, at Municipal Action Team (MAT) Leader Marfel Dalumpines. Kanilang binigyang diin ang kahalagahan ng pagpapanatili ng mag-aaral sa eskwelahan sa kabila ng mga hamong nararanasan upang mapabuti ang kanilang kinabukasan at sa presenya ng mga ahensya ng gobyerno, kabilang ang lokal na pamahalaan, pulisya, at ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad.
Nang naipamigay ang mga naihandang pagkain at gamit pang-eskwela, batid sa mga ngiti ng mag-aaral ang pagpapahalaga at pasasalamat sa kaunting biyayang natanggap. Ayon kay Kagawad Jinen Talamisan, bibihirang maranasan ng mga residente ang mga katulad na aktibidad dahil na rin sa layo ng lugar.
Sa pag-uwi ng grupo, dalawang bagay ang tumatak sa kanilang isipan. Una, ay ang araw-araw na karanasan ng mga mag-aaral mula sa Sitio Agbalagon para lamang makapasok sa eskwelahan, gayundin sa kanilang mga magulang na karga ang saku-sakong kopra pababa ng bayan, na siya namang humubog at nagpalawak sa perspektibo sa buhay ng bawat isa sa grupo. Pangalawa, at higit sa lahat, ay ang ginhawang dulot ng Salonpas.
- Sulat ni Kris Garcia Paludipan, KALAHI-CIDSS Area Coordinator, San Andres, Romblon
- Mga larawan nina Rhoda B. Mingoa, Municipal Coordinating Team-Community Empowerment Facilitator; Rachel Faderogaya, 4Ps Municipal Link; Marfel Dalumpines, SLP Project Development Officer II; at Kris Garcia Paludipan, KALAHI-CIDSS Area Coordinator