“Ang paghihirap ay proseso ng pagkamit sa tagumpay. Kung hindi mo pinaghirapan ang isang bagay, hindi mo ma-appreciate ang halaga nito sa iyong buhay,” ani ni Princess Idahlia S. Logatoc, isa sa limang (5) anak ni Genalyn, isang maybahay, at Librado Logatoc, isang laborer, mula sa Barangay Bangbang, Gasan, Marinduque.

Buong pusong ipinagmamalaki si Princess ng kanyang pamilya matapos makapasa sa Licensure Examination for Teachers (LET) nitong Marso 2023. Ngunit hindi lamang ‘yon, nakamit din niya ang karangalan na mapabilang sa topnotchers ng nasabing board exam matapos makuha ang ika-siyam na puwesto (91.20%) mula sa 7,809 examinees na pumasa sa LET.

Naging benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang pamilyang Logatoc noong taong 2012. Kwento niya, mahirap ang kanilang naging buhay noon. Wala silang kuryente at lampara lamang ang ginagamit habang siya ay nag-aaral ng elementarya hanggang sekondarya. Walang matatag na trabaho noong ang kaniyang ama, at naglalabada naman ang kaniyang ina upang matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

“Lagi po kaming napapa-isip na kung bukas o sa isang bukas ba ay may akainin pa po baga kaming kanin or wala na, may pambili po kaya kami ng projects or pangbaon man lang sa school…” banggit niya.

Ngunit dahil sa 4Ps, hindi na masyadong nahirapan ang kanyang mga magulang sa pagkayod dahil sa health and education subsidies na binibigay nito kada ika-dalawang buwan. Bukod sa nakakapagbayad na sila nang oras sa paaralan, nakakasali na rin sila sa mga extra-curricular activities na humubog sa kanilang mga kakayahan. “Naging katuwang po ng magulang ko ang 4Ps para magkaroon kami ng sapat na pagkain at makabili ng mga gamit para sa school,” sabi ni Princess.

Si Princess Idahlia Logatoc, kasama ang kanyang ama’t ina.

Dagdag niya, maliban sa cash grants ng 4Ps ay nakatulong rin ang Youth Development Sessions upang mahubog nang mabuti ang kanyang pag-uugali at sense of responsibility sa tahanan, paaralan, komunidad, at maging sa buong bansa. Noong Agosto 2022 ay grumaduate na sa programa ang pamilyang Logatoc dahil ang bunsong kapatid ni Princess ay kasalukuyang nasa 1st year college. 

Nagpapasalamat si Princess sa DSWD at sa mga programa nito dahil naging malaking tulong ito upang  makapagtapos sila ng pag-aaral sa elementarya at sekondarya, “Nawa po ay mas marami pang pamilya at batang may pangarap ang inyong matulungan.”

Pagbati, Ma’am Logatoc! Ikinagagalak ng DSWD na maging bahagi ng iyong tagumpay. Hangad namin na patuloy ang iyong pagtupad sa mga pangarap at sa pagiging inspirasyon sa kabataan. 

Loading