Kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng mga Katutubo ngayong Oktubre, ang DSWD MIMAROPA sa pangunguna ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program Regional Program Management Office (4Ps-RPMO) ay nagsagawa ng pagpupulong kasama ang mga Indigenous People Mandatory Representatives (IPMRs) sa mga probinsya ng Occidental Mindoro (6-7 Setyembre 2023), Oriental Mindoro (13-14 Setyembre 2023), Palawan (19-20 Setyembre 2023), at Romblon (26-27 Setyembre 2023).
Ang pagpupulong ay upang palakasin ang pakikipag-ugnayan sa mga IPMRs bilang representante ng mga katutubo na katuwang sa pagpapatupad ng 4Ps. Isinaalang-alang din ang kapakanan ng mga katutubo sa mga proseso ng programa tulad ng pagrehistro ng mga bagong benepisyaryo, pagpapatupad ng Family Development Session, pagtugon sa mga hinaing at reklamo, at pagsuporta sa patuloy na edukasyon ng mga katutubong mag-aaral na magtatapos ng high school.
Ayon kay Lovely M. Llanto, IP Focal ng 4Ps RPMO, ang pagsasagawa ng pagpupulong kasama ang IPMRs ng MIMAROPA ay isang daan upang mapaigting ang pakikipag-ugnayan bilang sila ang nagrerepresenta sa ating mga kapatid na katutubo.
“Ang pagpupulong na ito ay isa ring paraan upang mas maintindihan ng programa ang mga pangangailanagan ng mga katutubong benepisyaryo ng 4Ps,” dagdag niya.
Ang pagpili ng mga IPMRs ay dumaan sa lokal na proseso ng mga pinuno ng tribo at tumatayong miyembro ng Sangguniang Bayan or Panlalawigan. Sila ay miyembro ng Municipal Inter-Agency Committee (MIAC) at dumadalo sa quarterly MIAC meeting upang malaman ang mga pangangailangan ng mga benepisyaryo ng 4Ps na siyang magiging basehan sa pagpasa nila ng mga ordinansa sa kani-kanilang munisipyo na tutugon sa mga pangangailangan ng mga katutubo.
Kasama rin sa pagpupulong ang mga Provincial IPMRs at kinatawan ng Pambansang Komisyon sa mga Katutubong Mamamayan na nagbigay ng mga rekomendasyon kailangan ng mga IPs base sa resulta ng Social Welfare and Development Indicator (SWDI).
Lubos na nagpapasalamat ang DSWD MIMAROPA sa pakikiisa at pagsuporta ng mga IPMRs sa layunin ng programa na magbigay ng serbisyo sa mga bulnerableng sektor tulad ng mga katutubo.
##

Loading