Alin nga ba ang mas mahalaga: bisyo o serbisyo? Alam nating hindi madali ang magserbisyo. Sa dami ng mga taong pwedeng maging volunteer, hindi lahat ay gusto at may kusa lalo na sa pamumuno ng isang organisasyon.

Iba-iba ang gusto nating gawin sa buhay; mayroong gusto maging bayani, gusto maging mayaman, maging bida sa pelikula, maglingkod sa kapwa, sa mga kabarangay at para sa bayan.

Kilalanin natin ang taong mas piniling maglingkod ng libre alang-alang sa kaniyang mga kabarangay. Nasa puso niya na ang magbigay ng oras, panahon, pera at pawis para makatulong sa kapwa. Sa tagal ng kanyang libreng serbisyo, kasabay nito ay ang pagputi ng kanyang buhok. Ang bida sa kwentong ito ay walang iba kundi ang community volunteer ng KALAHI-CIDSS bilang Barangay Sub-program Management Committee (BSPMC) Chairperson noon at Barangay Development Council-Technical Working Group (BDC-TWG) Chairperson pa rin ngayon, Mr. Rolando G. Belarmino Sr.

Tinanggap niya ang pagiging lider ng mga community volunteer ng Barangay Maytegued, Bayan ng Taytay sa Probinsya ng Palawan sa loob ng tatlong sunod-sunod na termino ng KALAHI-CIDSS. Nagserbisyo at napili siya bilang isang BSPMC Chairperson sa unang pagkakataon taong 2012 hanggang 2014 sa ilalim ng KALAHI-CIDSS Millenium Challenge Corporation (MCC). Ang kanilang naging unang proyekto ay Concreting of Pathway o pagsesemento ng daan sa habang humigit kumulang 4.03-Kilometro  at 2.8-kilometro mula sa sentro ng barangay hanggang sa Sitio De Jesus Barangay Maytegued. Sinundan ito ng proyektong Improvement of Level II Water Supply System sa ilalim ng KALAHI-CIDSS National Community-Driven Development Program-Additional Financing (NCDDP-AF) taong 2022-2023, at ang pangatlo ay sa proyektong Improvement of Barangay Health Station sa kaparehong modality taong 2023-2024.

Ayon sa kanyang karanasan, noong KALAHI-CIDSS MCC ay na-encounter nila ang hirap tulad ng sama ng panahon, pagkaroon ng bagyo, at pagbaha na nagdulot ng pagtigas ng ibang semento na kanilang ginagamit sa implementasyon. Kahit sa hirap ng pinagdaan nila ay nagpatuloy sila at maayos na natapos ang daanan.

Marami ang natulungan ng bayanihan ng mga mamamayan lalong-lalo na ang mga estudyante na noon ay bago makarating sa paaralan, ang kanilang mga uniporme at sapatos ay puro putik kaya sila ay nagdadala na lamang ng extrang damit. Sa pagsisikap ng mga manggawa at volunteers noon ay hindi na napuputikan ang mga estudyanteng nanggagaling pa sa bukid kapag pumapasok.


Patungkol naman sa proyektong patubig na Improvement of Level II Water Supply System ay mas naging madali na ang implementasyon ng mga mamamayan ng barangay.

‘yung dating walang tubig ay nagkaroon na ng tubig, hindi na sila namumurublema sa tubig kasi anytime magbukas sila ng gripo may tubig na. Nalagyan narin ng tubig ang school, ang mga studyante dati ay umiigib pa sa malayong balon, ngayon di na sila lumalabas sa school.

Subalit, hindi maiiwasan na naaabuso ng ibang tao ang paggamit ng tubig. Minsan ay nahahayaan lang ang  daloy ang tubig kaya’t nasasayang at nagdudulot ng pagkasira ng tubo. Sa ganitong sitwasyon, laging on-duty si Rolando para ayusin ang mga sirang dugtungan. Agad din niyang pinapaki-usapan ang mga mamamayan na gamitin ang tubig sa tamang pamamaraan. Pinag-aralan din niya kung bakit nagkaroon ng problema sa daloy ng tubig kung kaya’t binago nila ang daanan ng tubig upang makaabot sa kabahayan.


Patungkol naman sa proceso ng Community-Driven Development (CDD) lalong-lalo na sa pagpili ng proyekto, ito ay nasabi niyang masalimuot sa positibong paraan dahil masusi nilang hinahanap ang pinakaproblema sa barangay. Lahat ng mga mamamayang volunteer ay may kanya-kanyang mga problema o pananaw na inilalabas. Pinipili nila ang pinakaproblema ng maayos kung kaya’t kanilang dinaan ito sa botohan. Kung anong problema ang may pinakamataas na boto o ang nag-rank 1 ay iyon ang unang paglalaanan ng pondo.

Sa pagtutulungan ng mga mamamayang volunteer, natukoy nila ang mga problema at kung ano ang pinaka naaayon na solusyon dito. Ang mga mamamayan mismo ang nagplano at nag-implementa ng proyekto sa pamumuno ni Rolando katuwang ang pamahalaan ng barangay at sa gabay ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan.

Ang pagiging community volunteer ay ang bisyong hindi maiwan ni Rolando dahil ang tunay na serbisyo na may malasakit sa kapwa ay wala sa posisyon kundi nasa puso.

Isinulat ni Francisco Fedeles, Technical Facilitator ng Taytay, Palawan

Loading