Mainam ang lokasyon ng aming pamayanan. Kung tutuusin, mas madali dapat ang pag-unlad nito dahil ito ay sentro–daanan patungo sa iba’t ibang bayan ngunit sa iba’t ibang kadahilanan, hindi ganoon ang nangyari.

Hindi man ako katutubo sa aming pamayanan at nakapangasawa lamang ako ng tagarito, gayunpaman, minahal ko na ito at nangakong dito na ako mananatili. Hangad ko na mapakapag-ambag sa pag-unlad nito hindi lamang sa karaniwang paraan.

Taong 2014 nang dumating ang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na KALAHI-CIDSS sa aming pamayanan. Tamang-tama at kailangang-kailangan namin ng dalawang silid-aralan. Noong nagkaroon ng pagpupulong sa barangay, nagka-isa ang mga residente na ito ang bigyang prayoridad. Dito nagsimula na ako’y maging isang volunteer sa kauna-unahang sub-project ng KALAHI-CIDSS sa aming pamayanan.

Sakripisyong maituturing ang pagiging volunteer. Bilang isang kawani ng gobyerno, mahirap pagsabayin ang trabaho at pagiging volunteer. Gayunpaman, mas namayani sa puso ko ang galak na makabahagi ako ng proyekto at makiisa sa mabuting layunin nito sa pamayanan.

Alang-alang sa minimithi naming kaunlaran, maliban sa pagbibigay oras ay nanguna rin ako sa pag-ambag ng mga materyal at pinansiyal upang mahikayat din ang iba. Hindi ako nag-atubiling mag file ng “leave” upang makadalo sa mga seminar na naging daan upang mas lumalim ang aking kaalaman sa mga prinsipyo ng KALAHI-CIDSS.

Masaya akong naging volunteer sa pag-aakalang makatulong sa pamayanan ngunit mas malaki pala ang pakinabang ko rito dahil marami akong natutunan, mas dumami ang kaibigan, mas napayaman ang karanasan at natuklasan ko ang aking gampanin sa pamayanan. Hindi ako nagsawa sapagkat mas malaki ang naging kapalit nito hindi lamang sa aming pamayanan kundi sa aking pagkatao.

Nakita ko ring nabago na ang pananaw ng mga tao sa pamayanan. Natutunan na nilang yakapin ang mga dulog at prinsipyo ng Community-Driven Development–ang prosesong gamit ng KALAHI-CIDDS. Mas lalong minahal ng mga mamamayan at pinanatili ang mga proyektong naisakatuparan bunga ng aming pagkakaisa at sakripisyo.

Dati, pangarap lamang namin ang magkaroon ng mas matibay na silid-aralan, evacuation center at Farm-to-Market Road sa Sitio Bagong Sikat at Sitio Sampaguita. Gaano man namin idaing sa pamahalaang barangay na kailangan ang mga ito, walang tugong narinig na maghatid sa amin ng pag-asa dahil sa kakulangan sa badyet. Tila mailap ang kaunlarang aming pinapangarap.

Sa pagdating ng KALAHI-CIDSS sa aming pamayanan nasilip namin ang bukang liwayway, may dalang pag-asa at tugon sa problema. Bagamat hindi katulad ng kinagawian ang paglutas sa problema at pagkamit ng kaunlaran, napakalaking pagbabago ang hatid nito sa amin.

Una, kaming mga mamamayan ang kumilala sa solusyon sa aming problema. Isinaalang-alang namin na dapat bigyan ng prayoridad kung saan mas marami ang makikinabang. Dahil dito, natitiyak na maging mas kapaki-pakinabang ang proyektong ipinagkaloob at naghatid ng kaunlaran.

Ikalawa, binigyan kami ng kakayahang mamuno sa pagpapatupad ng proyektong ipinagkaloob sa amin. Sa ganitong paraan, lalo naming minahal at iningatan ang mga proyektong na magdudulot nang pangmatagalang solusyon sa problema ng pamayanan.

Ikatlo, ang mga kasapi sa pamayanan ay binibigyan ng pagkakataon na makapagtrabaho. Sa paraang ito, mabibigyan din sila ng pagkakataong maghandog ng libreng serbisyo bilang kanilang ambag sa proyekto.

Panghuli, isinasaalang-alang ang “gender equality” sa pagsasagawa at pagpapatupad ng proyekto. Sa karaniwang pagpapatrabaho tulad ng konstruksiyon, tanging mga lalaki lamang ang binibigyang pagkakataong makapagtrabaho. Sa KALAHI-CIDSS may parehong oportunidad ang babae at lalaki.

Kakaiba ang paraan sa pagkamit ng pagbabago! At dahil niyakap namin ang kakaibang iyon, ito’y naghatid ng kaunlaran sa aming pamayanan. Ang dating lubak-lubak at mabatong kalsada patungong Purok Bagong Sikat at Sampaguita ngayon ay sementado na. Ang dating kulang sa silid-aralan, ngayon ay nadagdagan na. Ang dating walang Evacuation Center, ngayon ay mayroon na.

Kasabay nang unti-unting pagkamit ng kaunlaran ng aming pamayanan, naging bukas din ang isipan ng mga mamamayan. Nagbabago na ang mga pananaw at pagpapahalaga ng karamihan. Mas madali ng tapikin sa balikat.

Mas marami ang nakikibahagi sa mga pagpupulong. Mas naging mapagmalasakit sa proyekto. Mas naging positibo ang pananaw sa problema. Ito’y dahil sa pagsilip ng bukang – liwayway na hatid ng KALAHI-CIDSS.

Isinulat ni Joebe Fontaron Fabello
(KALAHI-CIDSS Volunteer ng Brgy. Guinhaya-an, Looc, Romblon)

Loading