“Inspiration ko talaga ang family ko, syempre medyo naghihikahos sa buhay kaya naroon yung eagerness kong makapagtapos ng pag-aaral. Kasi ‘yon lang ang maitutulong ko sa pamilya ko, ang maibibigay kong kapalit sa sakripisyo nila,” ani ni Alexis Gervacio Sumbe, 24 taong gulang.

Mula sa 2,123 na kumuha ng Licensure Examination for Fisheries Professionals noong Oktubre 2023, 716 ang nakapasa at isa si Alexis sa mapalad na nakakuha ng mataas na marka. Nakamit ni Alexis ang karangalan na mapabilang sa topnotchers ng nasabing board exam matapos makuha ang ika-limang pwesto na may average na 85.50%.

Pangalawang anak si Alexis nina Mylene at Alexander Sumbe, kapwa mangingisda sa Brgy. Tumarbong, Roxas, Palawan. Ang kanilang panganay na anak ay nagtapos ng hayskul at mayroon nang sariling pamilya, habang ang bunso naman ay kasalukuyang nasa unang taon na sa kolehiyo.

Taong 2009 nang maging benepisyaro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang pamilyang Sumbe matapos matukoy ang kanilang naghihirap na pamilya. 

“Maituturing na isa sa mahihirap na mamamayan ng Pilipinas ang aming pamilya bago pumasok sa 4Ps. Simple lamang ang aming pamumuhay. Pangingisda ang pangunahing hanapbuhay ng aking ama. Tumutulong naman ang aking ina na nangangalaga ng tahanan at mahusay na nagba-budget upang matugunan lahat ng aming pangangailangan.”

Ngunit nang mapabilang sa mga benepisyaryo ng 4Ps, nakatulong ang kanilang mga natanggap na cash grants sa mga gastusin katulad ng kagamitan sa eskwelahan, bigas, at pang-araw-araw na mga pangangailangan. Sa pagbabalik-tanaw, ayon kay Alexis, dahil dito ay nabibili nila noong ang kanilang nais na pagkain, damit, uniporme, at bagong sapatos.

“Ngayong natupad na ang isa sa aking pangarap na maging isang propesyonal sa larangan ng Fisheries, pangarap kong magkaroon ng maganda at permanenteng trabaho upang makatulong ng maayos sa aking pamilya at maghanda para sa aking kinabukasan,” pahayag ni Alexis. 

Pinagpapatuloy ngayon ni Alexis ang pag-aaral ng Master of Science in Fisheries major in Fisheries Biology sa University of the Philippines Visayas sa Iloilo.

Kwento ni Nanay Mylene, wala raw silang cellphone na touch screen kaya hindi sila madaling maka-access sa internet. Sinabi lamang daw sa kanila ng kanyang bunsong anak ang balitang Top 5 si Alexis matapos nitong malaman ang magandang balitasa isang professor sa Western Palawan University.

“Tumawag agad kami kay Alexis. Hindi raw niya alam na nakapasa siya dahil busy siya sa mga assignments na ginagawa niya. Kaya chineck niya agad yung list of passers. At sabay-sabay na kaming umiyak at sumigaw sa galak,” ibinahagi niya.

Lubos na nagpapasalamat sa 4Ps si Alexis na, ayon sa kanya, naging kasangga sa buhay ng kanilang pamilya sa loob ng maraming taon. “Ang programang ito ng DSWD ay lubhang nakatulong sa pag-aaral naming magkakapatid. Mabuti itong programa ng gobyerno kaya’t marapat na sa tamang paraan gamitin,” panawagan niya.

Ngayon, ang pamilyang Sumbe ay graduate na sa programa dahil kolehiyo na ang kanilang bunsong anak.

##

Loading