MAGDIWANG, ROMBLON — Naglaan ang lokal na pamahalaan ng Magdiwang, Romblon ng pondong nagkakahalaga ng ₱115,000.00 bilang bahagi ng pagbibigay ng tulong pinansiyal sa mga dating miyembro ng programang 4Ps na may anak na kasalukuyang nasa senior high school at kolehiyo.
Noong Enero 17, 2024 ay natanggap na ng 23 pamilya ang tulong pang-edukasyon mula sa lokal na pamahalaan ng Magdiwang, Romblon sa pangunguna ni Mayor Arthur Rey Tansiongco at Municipal Social Welfare Officer (MSWDO), Dearlit Jane R. Patiño.
Dinaluhan din ito ng kinatawan ng Opisina ng Alkalde na si G. Augustus Radan, Provincial Link/SWO III Geneva Luces Fabila Zacarias at SWO II Mary Rose Ravalo ng Provincial Operations Office (POO) Romblon, gayundin ang lahat ng mga staff ng Municipal Operations ng Office-Magdiwang.
“Huwag kayong mag-alala dahil kahit nagtapos na kayo sa programa ay nakaantabay pa rin ang LGU Magdiwang sa inyo. Ito ay commitment ng Opisina in support to the program implementation,” pahayag ni G. Radan.
Ayon kay Municipal Link Jhon Vincent Fajilan, ipinapakita lamang nito ang matibay na pagsuporta ng lokal na pamahalaan ng Magdiwang sa mga programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Bukas-palad silang naglalaan at nagbibigay ng tulong sa mga naging benepisyaryo ng 4Ps lalong-lalo na sa oras ng kanilang pangangailan.
“Ang ganitong gawain ng LGU Magdiwang ay naglalarawan na ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program at ang lokal na pamahalaan ay may maayos na ugnayan sa pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan” banggit niya.
Maliban sa nasabing tulong pinansiyal, nakasaad din sa 2024 Annual Budget Plan ang pagbibigay din ng Subsistence Allowance at Educational Assistance sa mga Children at Risk (CAR), Children In-Conflict with the Law (CICL) at ilan pang 4Ps Exiting Households.
Lubos ang pasasalamat ng DSWD sa lokal na pamahalaan ng Magdiwang para sa kanilang patuloy na pagsuporta sa ibat-ibang programa ng ating pamahalaan.
###

Loading