Bilang pagdiriwang sa pagtatapos ng 917 na sambahayang-benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula sa bayan ng Gloria, Socorro, Bulalacao at Calapan City sa probinsya ng Oriental Mindoro, nagsagawa ng Pugay Tagumpay Graduation Ceremony ang 4Ps Municipal Operations Offices (MOOs) sa magkakaibang dako sa bawat nasabing munisipalidad noong Marso 26, 2024.
Sa lungsod ng Calapan, malugod na tinanggap ni Hon. Mayor Marilou Flores Morillo ang 436 na pamilyang nagtapos sa Calapan City Plaza Pavilion. Ayon sa kanyang mensaheng nagbibigay-inspirasyon, hinahangaan niya ang pagsusumikap ng bawat pamilya upang maiangat ang kanilang antas ng pamumuhay. Dumalo rin sa seremonya ang mga panauhing pandangal mula sa City Social Welfare Development Office, City Disaster Risk Reduction Management Office, City Education Office, City Health Office, at i-Help.
Samantala, 277 sambahayang benepisyaryo naman mula sa bayan ng Socorro ang opisyal nang lumabas sa programa sa pamamagitan ng buong suporta ng lokal na pamahalaan sa katauhan ni Hon. Mayor Nemmen O. Perez, MSWDO Sharon Rose D. Ylagan, DepEd Head of School Mr. Roger Abante. Gayundin, binigyang-pugay rin ang pag-angat ng antas ng pamumuhay ng 178 na pamilyang 4Ps mula sa bayan ng Gloria. Pinangunahan ito ni Provincial Link Maridel Rodriguez, kasama sina Social Welfare Officer III Rama Villacastin, Regional Community Development Assistant II Janeth Mayores, at iba pang mga kawani mula sa Provincial Operations Office at mga Municipal Links mula sa MOO Gloria.
Kabilang sa mga pangunahing sumusuporta at patuloy na tumutulong sa implementasyon ng programa at iba pang aktibidad na ito na sumaksi sa pagtatapos na ito ay sina Municipal Acting Mayor, Hon. Romeo Edward Alvarez, Municipal Social Welfare and Development Officer, Ms. Melogean M. Sadim, DepEd District Supervisor, Ms. Lucena V. Manalo, at Alternative Learning System Coordinators, Mr. Jun G. Rey at Mr. Joemar Dayo.
Bagaman ito ay isang pagtatapos, ito ang simula ng patuloy na pag-unlad ng pamumuhay ng mga pamilyang minsang napabilang sa 4Ps. Kaya’t bilang pagpupugay sa kanilang pagsusumikap na paunlarin ang kanilang buhay, iniabot ng DSWD Field Office MIMAROPA sa kanila ang Sertipiko ng Pagkilala at munting handog mula sa LGUs.
Sa pamamagitan ng pagpasa ng sermonyal na sulo at pagpirma sa kasunduan, buong puso nang tinanggap ng mga Lokal na Pamahalaan ang responsibilidad na alalayan ang mga benepisyaryong nagtapos tungo sa mas maayos na pamumuhay. Ito ay hindi lang hudyat ng kanilang pag-alis sa programa, kundi isa itong pagpapaalala sa patuloy na pagsuporta ng LGU para sa pagtayo ng bawat benepisyaryo sa kanilang sari-sariling mga paa tungo sa pansariling pagpapaunlad.