Mansalay, Oriental Mindoro – Pinangunahan ni DSWD MIMAROPA Regional Director Leonardo C. Reynoso ang pamamahagi ng Capital Assistance Grant sa pamamagitan ng Enhanced Support Services Intervention (ESSI) para sa 81 na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula sa Waygan at Poblacion, Mansalay, Oriental Mindoro, Hulyo 30, 2024. 

Ang hakbang na ito ay bahagi ng pagsisikap ng Department ng Social Welfare and Development (DSWD) na matugunan ang mga pangangailangan ng mga katutubong Mangyan. Bawat sambahayang benepisyaryo, na kabilang sa katutubong Mangyan, ay binigyan ng Php 10,000 upang magbigay ng suporta sa kanilang kabuhayan at tiyakin ang pagpapabuti ng kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng pondo para sa mga livelihood projects.

Sa kaganapang ito, isinagawa rin ang validation process upang matiyak ang pagkakakilanlan ng mga benepisyaryo at agarang maayos ang kanilang mga dokumento. Ang ESSI ay isang mahalagang intervention ng 4Ps na nagbibigay ng karagdagang tulong sa mga katutubong nasa malalayong lugar at mga homeless families. Ang layunin nito ay makapagbigay ng livelihood assistance at income-generating projects, mga seminar para sa dagdag na kaalaman, small-scale community projects, o alternative family homes (AFH) na nagbibigay ng subsidiya para sa pabahay sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Kasabay ng pamamahagi ng seed capital ay ang paglulunsad ng Halina’t Magtanim ng Prutas at Gulay (HAPAG) Katutubo Project na pinangunahan ng Pampamayanang Mangyan Ugnayan Inc., at may layuning hikayatin ang mga katutubo na magsagawa ng urban agriculture upang mapabuti ang kanilang kabuhayan. 

Ang HAPAG Katutubo Project ay naglalayong magturo sa mga Mangyan ng mga makabagong pamamaraan sa pagtatanim ng prutas at gulay na maaari nilang gamitin sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, at inaasahang magbibigay ito ng karagdagang oportunidad sa kanilang kabuhayan.

Sa pangkalahatan, ang mga hakbang na ito ay sumasalamin sa layunin ng DSWD na higit pang palakasin ang suporta sa mga komunidad na nangangailangan, lalo na ang mga katutubo na madalas ay nasa malalayong lugar. Sa pamamagitan ng mga proyekto tulad ng ESSI at HAPAG, inaasahan na magiging mas matatag ang mga benepisyaryo sa kanilang pangkabuhayan at magkakaroon ng mas maliwanag na kinabukasan.###

Loading