Opisyal ng nagsimula ang operasyon ng PC SLPA Gasoline Station sa Sitio Paspasin, Brgy. Calangatan, San Teodoro, Oriental Mindoro noong Agosto 30, 2024.
Ang gasoline station ay ang napiling kabuhayan ng Paspasin Calangatan Sustainable Livelihood Program Association (SLPA) kung saan sila napagkalooban ng Php 420,000.00 seed capital fund ng DSWD MIMAROPA sa pamamagitan ng programa.
Sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang DOLE, BIR, DOE, BFP, LGU-San Teodoro, MPDO, at BPLO, matagumpay na nakumpleto ang mga kinakailangang permits at lisensya.
Ang ribbon-cutting ay dinaluhan ng iba’t ibang mga opisyal at kinatawan ng komunidad, kabilang ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan at Sangguniang Barangay ng Calangatan, MSWDO Annabelle H. Medina, Ptr. Rajie Salangungay at Ptra. Cristy Creer na naghandog ng panalangin at pagpapala para sa ikatatagumpay ng proyekto, at mga miyembro ng SLPA.
“Ang pagbubukas ng gasoline station na ito ay isang malaking hakbang tungo sa pag-unlad ng ating komunidad. Ito ay magbibigay ng trabaho sa mga residente na miyembro ng Samahan at magpapalakas sa ating lokal na ekonomiya., ani ni Municipal Executive Assistant Julio A. Bengua.
“Ang proyektong ito ay malaking tulong sa ating komunidad, lalo na sa ating mga katutubong Mangyan na nanggagaling pa sa iba’t ibang sitio ng Barangay Calangatan. Matutugunan na hindi lamang ang pangangailangan sa gasolina, kundi pati na rin ang pangangailangan ng kita ng mga miyembro ng samahan na namamahala sa proyektong ito.”, masayang pahayag ni Punong Barangay Arvin M. Pollo.
Sa implementasyon ng proyekto ay katuwang ng Paspasin Calangatan SLPA sina Project Development Officers Ervin Jeff Labao at Vanessa Gerpacio na walang sawang nagbigay suporta at gabay mula sa simula hanggang sa matagumpay na pagbubukas nito.
Ang pagbubukas ng PC SLPA Gas Station ay inaasahang magbibigay ng kita at kabuhayan sa 30 miyembro ng asosasyon at magdadala ng mas abot-kayang presyo ng gasolina sa buong komunidad.
Contributors: Vanessa Gerpacio at Ruelson Caiga, SLP Oriental Mindoro Project Development Officers