Sa pagdiriwang ng National Children’s Month, nagsama-sama ang mga batang 4Ps sa tatlong barangay ng Rizal, Palawan noong Nobyembre 19-21, 2024 para sa natatanging selebrasyon na pinamagatang “Bida ang Batang Bumalik sa Eskwela” (BBBE). Pinangunahan ito ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pakikipagtulungan ng mga Regional, Provincial, at Municipal Operations Offices ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ang layunin ng aktibidad ay hikayatin ang mga kabataang minsang naiulat bilang Not Attending School (NAS) na muling magpatuloy sa kanilang edukasyon. Kaakibat nito ang kampanya ng 4Ps na Bata-Balik Eskwela (BBE) na naglalayon na ang bawat batang Pilipino ay makabalik at makapagpatuloy ng pag-aaral. Kasama rin sa programa ang mga batang achiever at tagumpay sa kanilang larangan, gaya ng mga board topnotchers at exemplary delegates, na nagbigay-inspirasyon sa kanilang mga kapwa kabataang 4Ps upang magpatuloy sa pagsusumikap sa pag-aaral.
Isa sa mga highlight ng aktibidad ay ang motivational talk ni Tatay William Ragadio, kinatawan ng Huwarang Pantawid Pamilya sa MIMAROPA. Sa kanyang talumpati, nagbigay siya ng makabuluhang mensahe hindi lamang para sa mga kabataan kundi pati na rin sa mga magulang at kapwa benepisyaryo ng 4Ps. Ayon kay Tatay William, ang edukasyon ay hindi lamang susi sa tagumpay ng mga bata kundi pati na rin sa magandang kinabukasan ng kanilang pamilya at komunidad.

 

Bukod sa mga inspirational talks, nagkaroon din ng iba’t ibang interaktibong aktibidad tulad ng workshop sessions (Visioning my Hopes and Dreams & Sustaining the Interest of Children and Youth in School), mga laro, at pagbibigay-parangal sa mga batang may natatanging tagumpay sa paaralan. Ang mga ito ay nagbigay ng pagkakataon sa mga bata na makipag-ugnayan sa kanilang mga kaibigan, matutong muli ng mga mahahalagang aral, at ma-inspire na abutin ang kanilang mga pangarap.
Sa pamamagitan ng BBBE, muling napatunayan na ang bawat batang Pilipino ay may kakayahang bumangon at bumalik sa tamang landas. Ang kanilang determinasyon at pagsusumikap, kaagapay ang suporta ng kanilang pamilya, pamayanan, at programa tulad ng 4Ps, ang magiging tulay tungo sa isang mas maliwanag na bukas.
Tunay na bida ang batang bumalik sa eskwela, hindi lamang para sa kanilang sarili kundi para sa kanilang pamilya at bayan! ❤️

Loading