Ang Aking Erpat
Salaysay ni Jerome Joaquin Francisco
“Mahirap at malungkot para sa aming magkakapatid ang nakagisnan naming buhay ngunit wala kaming pagpipilian at kailangan naming magtiis.”
Bilang isang anak, talagang nasaksihan ko at ng aking mga kapatid kung paano naging isang mabuting Erpat si Tatay Jesus. Bago kami makapasok sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), sagad ang nararanasan naming hirap. Pagsasaka ang pangunahin naming ikinabubuhay, namamasukan naman bilang isang kasambahay si Nanay. Bukod sa pagsasaka, kung anu-anong sideline naman ang ginagawa ni tatay, tulad ng construction, para kumita at magkaroon kami ng pantustos sa aming mga pangangailangan.
“Talagang pinipilit niya pong ibigay ang mga pangangailangan namin sa kabila ng hirap ng buhay.”
Sa kabila ng ganoong sitwasyon ay patuloy niya kaming binibigyan ng motibasyon para magsumikap din tulad ng kanilang ginagawa. Si Tatay ay ang una naming naging guro. Hindi siya nagsawang turuan kami sa lahat ng bagay, ito man ay pampaaralan o ang pagiging mabuting tao sa kapwa. Ipinamulat niya sa aming mga kapatid na kahit kailan ay hindi magiging hadlang ang kahirapan para umasenso, makapagtapos at magkaroon ng maayos na buhay.
Likas kay Tatay Jesus ang pagiging matulungin at maawain. Kaya naman ako, bilang anak na nakikita si Tatay palagi ay nagiging modelo siya para sa amin—kaya’t ang karakter ni Tatay sa buhay bilang masigasig ay nakuha rin namin. Masasabi kong hindi lang sa aming pamilya naging huwaran ang Tatay. Maging sa aming komunidad ay malaki din ang kaniyang naging bahagi. Siya ay naging pangulo ng asosasyon ng mga magsasaka at nagsilbi bilang Barangay Tanod. Nagpakita siya ng husay sa pakikipagkapwa tao at kakayahang manguna sa mga gawain. Ganoon na lamang ang tiwala ng tao sa kanya kaya siya ang iniluklok sa posisyon ng asosasyon.
“Nasasaksihan naming mga anak kung paano siya tawanan at kutyain ng mga kabataan o taong bago lamang siyang nakikita dahil sa kaniyang pisikal na kalagayan ngunit hayag din ang respetong ipinakikita ng mga taong higit na mas nakakilala sa kanya.”
Mula noong naging miyembro kami ng 4Ps, napansin ko na parang mas lalong naging mas maasikaso si Tatay sa aming magkakapatid lalo na sa pag-aaral. Iyon pala ay dahil na rin sa itinuturo sa kanilang tuwing mayroon silang mga pagpupulong sa programa. Sa pamamagitan ng Family Development Session (FDS) buwan-buwan, mas nahubog pa ang aming mga magulang sa maraming aspeto ng buhay. Talagang busog kami sa pangaral mula sa aming tatay. Ang kanyang linya palagi ay “Dapat ganito, dapat ganyan, kasi ‘yan ang sabi sa amin sa FDS”. Kaya masasabi kong malaki ang bahagi ng 4Ps sa pagiging modelong ERPAT ng aking tatay at lalo na sa buhay namin bilang pamilya. Isa din sa nakita kong naidulot ng programa sa amin ay naging mas madali at mabilis ang serbisyo ng ibang ahensya ng gobyerno. Talagang binibigyang pansin at prayoridad ang mga miyembro nito.
Sa ngayon, patuloy pa din ang masaya at magandang samahan sa aming pamilya. Kaming magkakapatid ay patuloy na nagsusumikap upang mabago ang takbo ng aming buhay. Tatlo kaming mga anak nila ang nakapagtapos na ng kolehiyo, mayroong isang nakapagtapos sa kursong Hotel and Restaurant Management, ang isa ay BS in Agroforestry, at ang isa ay Mechanical Engineering. Kahit kaming mga nakapagtapos na ay ginagabayan pa rin kami ng aming mga magulang sa pamamagitan ng pangaral at patuloy pang paghahanapbuhay.
Ika-nga ng aming Tatay “hindi tayo palaging ganito, mahirap”.
Ang mga salitang ito ang aming pinanghahawakan at naniniwala kami balang araw ay magbabago ang takbo ng aming buhay at makakabawi kami sa aming mga magulang. Ako ay nagpapasalamat sa Diyos na mayroon akong Tatay Jesus na hindi kami pinabayaan — iginapang kami para makapagtapos. Sa aming pag-aaral na magkakapatid siya ang aming inspirasyon.
Siguro kung wala si Tatay, tingin ko ay wala kaming malinaw at magandang direksyon sa kinabukasan. Kaya naman ipinagmamalaki namin ang aming Tatay.
Hindi man katulad ng iba ang kanyang pisikal na anyo, higit pa sa kumpleto ang kanyang pagiging responsableng Ama.