Isinagawa ng DSWD Field Office MIMAROPA, sa pangunguna ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program Regional Program Management Office (4Ps-RPMO), ang isang Information and Intervention Caravan noong Nobyembre 7, 2024, sa Santa Cruz, Occidental Mindoro upang maabot ang 100 katutubong benepisyaryo ng 4Ps mula sa Set 11-12, at itaas ang kanilangkamalayan at kaalaman tungkol sa mga programa at serbisyong hatid ng DSWD.
Bilang paggunita sa Indigenous Peoples (IP) Month noong Oktubre, layunin din ng caravan na dalhin nang direkta ang 4Ps at iba pang programa at serbisyo ng DSWD sa mga pamayanang Katutubo.
Kasama ang ilang ahensya ng gobyerno na nagbigay ng suporta at maghatid ng komprehensibong impormasyon, namahagi ng iba’t ibang babasahin, tulad ng mga brochure, flyers, at informational booklets na naglalaman ng mahahalagang detalye tungkol sa mga programa at serbisyo ng DSWD at iba pang ahensya.
Nagkaroon din ng interaktibong talakayan at dayalogo sa pagitan ng mga miyembro ng komunidad at kinatawan ng ahensya, na tumutulong upang mas maunawaan ang partikular na pangangailangan ng mga katutubo.
Nagbigay naman ang Occidental Mindoro Provincial Health Office ng mga mahahalagang impormasyon hinggil sa kalusugang tumutugon sa kultura ng mga katutubo, samantalang ibinahagi ni Paolo Cawayan, Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) ang kahalagahan ng pagpapatibay sa karapatan ng mga katutubo sa lupaing ninuno, kultura, at sariling pagpapasya.
Bilang bahagi ng serbisyo, dumalo ang mga kinatawan ng Philippine Statistics Authority (PSA) upang hikayatin ang pagpaparehistro sa Philippine National ID at nagkaroon ng onsite registration at authentication ng National ID para sa mga katutubo.
Samantala, si Provincial Health Director Jezreel Sarabia ng Seventh-Day Adventist (SDA) ay nagbahagi ng mga kaalaman hinggil sa paglinang ng positibong komunikasyon sa pagitan ng mga magulang at anak.
Nakatanggap din ang mga katutubo ng tig-isang pack ng bigas mula sa SDA, at nagbigay ang Yakult ng 150 bote ng kanilang produkto at mga coloring materials para sa mga bata.
Upang higit pang mapabuti ang ugnayan at serbisyong hatid ng programa, naglaan ng grievance at help desks ang caravan upang tumanggap ng mga reklamo at magbigay ng agarang tulong sa mga isyung may kinalaman sa mga benepisyaryo.
Ang mga desk na ito ay naging daan upang madokumento at mapabilis ang paglutas ng mga alalahanin ng mga benepisyaryo, at masiguro ang kanilang tamang suporta.
Sa pamamagitan ng caravan, mas pinalalakas ang koneksyon ng mga benepisyaryo sa mga serbisyong hatid ng gobyerno, at hinuhubog ang mas malalim na pakikilahok ng komunidad.
Ang makabagong inisyatiba na ito ng DSWD MIMAROPA ay naglalayon ding tuldukan ang kakulangan sa komunikasyon sa pagitan ng pamahalaan at mga liblib na komunidad.
Layunin ng DSWD na maipahatid ang higit pang suporta at mas mapalawak ang positibong epekto ng kanilang mga programa sa mga pamayanang hindi gaanong naaabot ng mga serbisyo.