Patuloy ang pagililinaw ng Department of Social Welfare and Development na ang rice subsidy na ibinibigay sa mga benepisyaryo ng 4Ps ay nasa anyo ng pera alinsunod sa probisyon ng GAA 2017. Ang subsidy ay naka-iskedyul na maibigay tuwing payout kasabay ng mga cash grant para sa lahat ng benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

Sa isang ulat mula sa Cebu noong June 2017, may mga pakete diumano ng bigas na sinasabing naipamigay sa mga benepisyaryo matapos matanggap ang kanilang rice subsidy at mga grant sa Sta. Fe, Bantayan Island. Anim sa mga benepisyaryo ang nagsasabing sila’y nagkasakit matapos ikonsumo ang bigas na diumano’y ipinamigay sa pamamagitan ng programa. Nang mabatid ang ulat, madaling nagsagawa ng imbestigasyon ang NFA at DSWD tungkol sa kasong ito.

Ayon kay Leah Quintana, Information Officer ng DSWD Field Office7, hindi sila kailaman nagsagawa ng distribusyon ng aktwal na bigas sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya.  Idiniin ni Quintana na ang rice subsidy kabilang na ang mga cash grant ay natatanggap lamang ng mga benepisyaryo sa iskedyul ng payout gamit ang kanilang mga ATM cash card o direkta sa mga Landbank accredited conduit.

Ayon sa sariling imbestigasyon ng National Food Authority sa kaso, ang sample na kanilang nakuha ay pawang tunay na bigas. Isinaad din ng NFA na ang huwad o pekeng balita tungkol sa pekeng bigas ay ginawa upang makapanlamang sa mga nagtitinda ng tingi-tinging bigas. Ang publiko ay pinaaalalahanan na huwag agarang maniwala sa mga ulat tungkol sa pekeng bigas na makikita sa social media.

P600 kada-buwan ang kabuuang halaga na ibinibigay sa mga aktibo’t compliant na benepisyaryo ng Pantawid Pamilya alinsunod sa pangako ni Pangulong Duterte sa kaniyang unang SONA noong July 2016. Sa tulong ng buwanang Family Development Sessions na isinasagawa ng programa, ang mga benepisyaryo ay regular na napapaalalahanan sa kalayaan nilang mamili kung saan bibili ng bigas, ngunit patuloy na maging mapagmasid sa mga pagtatangka ng iba’t-ibang partido na samantalahin ang natatanggap nilang subsidy. Pinapayuhan din ang mga benepisyaryo sa wastong paggamit sa kanilang rice subsidy at mga grant.

Isa lamang ang Pantawid Pamilya sa istratehiya ng pambansang gobyerno upang mabawasan ang kahirapan. Sa ilalim ng implementasyon ng DSWD, ito ay tumututok sa human capital investment sa pamamagitan ng probisyon ng cash grants na pang-edukasyo’y kalusugan sa mga eligible na sambahayang mahihirap na may batang nasa edad 0-18. Pangunahing layunin g programang ito na mawasak ang salinlahi ng kahirapan sa Pilipinas.

Epektibo, maagap, at mapagkalingang pagbibigay ng serbisyong nangangalaga sa kapakanan ng mga mahihirap, PWDs, senior citizens, mga bata, kababaihan, at ng iba pang mga bulnerableng sektor. Patuloy na sinisiguro ng lahat ng opisina ng DSWD na ang mga serbisyo ng kagawaran ay naipapaabot ng wasto at sa tunay na nangangailangan sa pinakaangkop na panahon. Shaina Domingo/SMD ###

Loading