Sa kanluran at bulubunduking bahagi ng bayan ng Bulalacao sa Silangang Mindoro, matatagpuan ang barangay Cabugao. Ito ay may layong humigit kumulang labing isang kilometro mula sa bayan. Bahagi ng kasaysayan nito ang armadong labanan na nagpahinto at nagpabagal sa pag-unlad ng pamayanan noon at nagdulot ng takot at pangamba sa mga mamamayan. Ngunit sa paglaon ng panahon, kasabay ng pagpapatupad ng mga programang pangkapayapaan at pangkaunlaran ng pamahalaan ay unti-unting nakamtan ang kapayapaang nararapat para sa pamayanan at sa mga mamamayan ng Cabugao.

Ang buhay ng mga mamamayan ng Cabugao ay nakasalalay sa pagsasaka partikular sa pagtatanim ng mais, palay, at sibuyas kung saan malaking puhunan ang kailangan na kadalasan ay inuutang pa ng mga magsasaka mula sa ilang pribadong indibidwal at may pataw na lima hanggang sampung porsyentong interes kada buwan. Kahit na ang pataw na interes ay mabigat at malaking kabawasan sa kita, patuloy pa ding nangungutang ang mga magsasaka para lamang maipagpatuloy ang kanilang kabuhayan.

Sa pamamagitan ng programa ng PAMANA Sustainable Livelihood Program ng DSWD na naglalayong magpatupad ng programang pangkapayapaan at pangkaunlaran sa mga tukoy na Conflict Vulnerable Areas o CVAs, labing lima (15) na indibidwal mula sa mahirap at bulnerableng sektor sa barangay Cabugao ang nagpakita ng determinasyon at masidhing interes na siyang naging daan sa pagkatatag ng Cabugao Farmers PAMANA-SLPA noong ika-18 ng Marso taong 2019 at tumanggap ng P300,000.00 sa ilalim ng PAMANA Development Fund bilang puhunan sa pagtatayo ng tindahan ng agricultural supplies.

Matagumpay na binuksan ang tindahan ng Agri-supplies noong ika-18 ng Hunyo taong 2019. At sa pagtatapos ng taong 2019, makalipas lamang ang mahigit anim na buwan mula nang buksan ang tindahan, ang samahan ay nagkaroon ng P23, 081.00 na malinis na kita.

Ayon kay, Jevidex R. Gutierrez,sa pagkakaroon ng tindahan ng agri supplies sa kanilang barangay ay hindi na kakailanganin pa ng mga magsasaka na maglakbay ng halos labing isang (11) kilometro papuntang bayan at mamasahe ng malaking halaga para lamang mamili ng kanilang mga pangangailangan sa pagsasaka. Maaari ding mangutang ng mga abono ang sinumang magsasaka na tumatangkilik sa tindahan ngunit ito ay may pataw na tatlo hanggang limang porsyentong interes at kailangang bayaran pagkatapos ng ani.

Sa mahigit isang taong panunungkulan bilang lider, batid ni Gutierrez ang hirap ng mga hamon sa pamamahala ng kanilang proyekto. Marami man siyang naririnig na kritisismo mula sa ibang tao, nananatili siyang matatag dahil sa pagtitiwala, suporta at pakikiisa ng mga kasapi. Maliban sa mga gawaing papel tulad ng pagtatala ng pinamili, gastos at benta, ang mataas na pagpapahalaga sa pangkabuhayang tulong na natanggap mula sa pamahalaan ang isang pinakamahalagang bagay na natutunan ni Gutierrez at pinagsisikapang ibahagi sa mga kasapi. Ayon pa sa kanya ay makakaasa ang pamahalaan na gagawin nila ang lahat upang maayos na mapanghawakan at mapalago ang kanilang pangkabuhayang proyekto kung kaya’t patuloy niyang hinihimok ang mga kasapi na manatiling aktibo sa pagtangkilik ng kanilang proyekto. Lubos ang kanyang paniniwala na sa tulong at gabay ng Panginoon ay magiging daan ang kanilang proyekto sa pagkakaroon ng payapa at masaganang pamayanan.

###

Agricultural Supply Store ng Cabugao SLPA sa Bulalacao, Oriental Mindoro
Mga kasapi ng Cabugao SLPA

 

 

Contributor:

Shirwen Pamor- SLP PDO II- Oriental Mindoro

 

Loading