Ang Mendoza Family ang hinirang na Huwarang Pamilya ng Pantawid Pamilya MIMAROPA 2017

MALATE, Manila – Ang Mendoza Family mula sa Sta. Cruz, Marinduque ang hinirang bilang Huwarang Pamilya 2017 ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program MIMAROPA noong Agosto 4, 2017.

Ang Mendoza Family na binubuo ng mag-asawang Ermelo at Zenaida, at ng kanilang mga anak na sina Oliver, Trisha, Bryan, at Karylle ay binigyan ng parangal noong Oktubre 17, 2017 kasabay ng Regional Search for Exemplary Pantawid Pamilya 2017 na ginanap sa Best Western La Corona Hotel Manila. Ang kanilang pamilya ang hinirang na kampeon sa regional level dahil sa kanilang determinasyon na mapanatili ang magandang relasyon ng kanilang pamilya at ang pagtulong nila sa kanilang komunidad sa kabila ng kanilang kahirapan.

Ang Search for Huwarang Pantawid Pamilya ay may layunin na mabigyan ng rekognisyon ang mga modelong pamilya na patuloy na lumalaban upang mapaangat ang kanilang buhay pati na rin ng iba pang mahihirap na pamilya sa kanilang lugar.

Kasama sina Criza Calabon ng Department of Health (DOH) MIMAROPA at Lyndon Plantilla ng Philippine Information Agency (PIA), nagsagawa ng field validation sa tatlong pamilyang nominado para sa Regional Search matapos matukoy ang top 3 sa isinagawang deliberasyon ng Regional Office ng Pantawid Pamilya. Kasama sa tatlong probinsya ang Dela Cruz Family mula sa Bansud, Oriental Mindoro na hinirang na 1st runner-up at ang Fanoga Family na mula sa Odiongan, Romblon na hinirang bilang 2nd runner-up.

Nasungkit naman ng Alabado Family ng Abrolan, Palawan ang 3rd-runner up at hinirang na 4th runner-up naman ang Carculan Family ng Abra de Ilog, Occidental Mindoro.

Unti-unti nang natutupad ang mga pangarap ng Mendoza Family lalo na’t masipag mag-aral ang mga bata at walang humpay sa pagsusumikap ang kanilang mga magulang. Nagtatrabaho bilang konsehal ng barangay si Ermelo, samantalang nananahi at gumagawa ng pitaka gamit ang mga recycled na materyal si Zenaida upang makatulong sa pantustos sa gastusin sa bahay. Nakapagtapos naman ng pag-aaral si Oliver, ang panganay na anak, sa kursong BS Civil Engineering at nakapasa siya sa board exam ngayong taon. Samantala, ang pangalawang anak na si Trisha ay tumigil ng pag-aaral noong siya ay nasa 2nd year para magtrabaho upang makatulong sa pag-aaral ng kaniyang kuya, ngunit ngayon ay nasa 3rd Year na sa kursong BS Education. Si Bryan at Karylle naman, ang pangatlo at pangalawang anak, ay nasa Grade 10 ngayon at nagpapakita ng kasipagan sa pag-aaral.

Simple man ang kanilang pamumuhay, mayaman naman sa pagmamahalan at respeto sa isa’t isa ang ipinagmamalaki ng Mendoza Family. Sa pagpapakita ng talento, pagsisikap, at kabutihang asal, nagsisilbing modelo sina Nanay Zenaida at Tatay Ermelo sa kanilang mga anak.

Ang Mendoza Family ay awtomatikong magrerepresenta sa Pantawid Pamilya MIMAROPA para sa National Search na gaganapin sa Oktubre 1, 2017, sa Muntinlupa Sports Complex. ###

Loading