Nakapila ang mga katutubong benepisyaryo ng Pantawid Pamilya upang makatanggap ng payout para sa CBLA ng dragonfruit

Mansalay, Oriental Mindoro – Natanggap ng 170 benepisyaryo ng MCCT ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa Mansalay, Oriental Mindoro noong Agosto 24, 2017 ang kanilang Cash for Building Livelihood Assets (CBLA) payout para sa pagtatanim ng dragon fruit. Ang proyektong ito ay sumasailalim sa Support Services and Interventions (SSI) ng Pantawid Pamilya na nakadisenyo upang paunlarin ang sosy-ekonomikong estado ng mga benepisyaryo ng MCCT.

Naglabas ang programa ng P350,200.00 para sa payout kung saan P2,060.00 ang natanggap ng bawat isang benepisyaryo. Ang mga benepisyaryong ito ay mga katutubong nagmula sa Brgy. Budburan, Brgy. Cabalwa, at Brgy. Panaytayan.

Noong Mayo 2017, nagbigay ang programa ng starter kit sa mga benepisyaryo na naglalaman ng 95 cuttings ng dragon fruit, fertilizer, pala, hand sprayer, at iba pang mga materyales na kailangan sa pagtatanim.

Sa ilalim ng CBLA, makakatanggap ng P2,060.00 ang mga benepisyaryo para sa 11 na araw, kung sila ay nakapaggamas ng lugar upang pagtaniman ng dragonfruit at sila ay nakapagtanim dito. Upang mapatunayan na sila ay nakapagtanim, bawat isang benepisyaryo ay may kani-kanilang Daily Time Record (DTR) sheet at aktwal na litrato ng kanilang tanim na dragon fruit na ibibigay sa kanilang PDO II.

Ayon kay Teresa, “malaking tulong po sa amin ito kasi kapag lumaki na ang mga tanim namin, pwede na namin itong maibenta at makadagdag sa panggastos namin sa araw-araw.” Ang perang natanggap ng mga benepisyaryo para sa CBLA ay bukod pa sa tinatanggap na cash grant na para sa pang-edukasyon at pang-kalusugan ng mga bata. “Ang maganda pa po dito, madali lang itanim ulit ang dragon fruit kaya maitutuloy-tuloy namin ang pagtatanim nito,” dagdag ni Teresa.

Bukod sa dragonfruit, mayroon ring ibinibigay na kambing, baboy, at lemon grass para sa mga benepisyaryo ng MCCT sa ilalim ng SSI ng programa. ###

 

Loading