MALATE, Manila – Hinirang bilang kauna-unahang Ulirang Parent Leader ng Pantawid Pamilya MIMAROPA si Norma L. Somodio, parent leader ng Sitio Dyandang sa Barangay Conrazon, Bansud, Oriental Mindoro noong Oktubre 4, 2017. Pinangaralan si PL Norma sa Best Western Hotel La Corona Manila kasabay ng pagdiriwang ng Regional Search for Exemplary Pantawid Pamilya Children noong Oktubre 13, 2017.
Ang Regional Search for Ulirang Parent Leader ay ang kauna-unahang pagbibigay-parangal ng programa sa mga parent leaders ng bawat cluster sa rehiyon na nagpamalas ng kanilang dedikasyon, oras, at pagsisikap upang maibigay ang kanilang serbisyo at patnubay sa kanilang mga kapwa benepisyaryo. Layunin ng kompetisyon na ito na kilalanin ang mga parent leaders na maituturing na modelo sa pagkakaroon ng postitibong kaugalian, magandang relasyon sa pamilya, at determinasyon upang mapaunlad hindi lamang ang kaniyang pamilya kundi ang lahat ng pamilya sa kaniyang komunidad.
Si PL Norma, na isang katutubong Tadyawan Mangyan, ang nakakitaan bilang pinaka-uliran sa apat pang parent leader na nominado ng iba’t ibang probinsya sa MIMAROPA. Si Carmel Cardino mula sa Roxas, Palawan and hinirang bilang 1st runner-up, na sinundan naman ni Rosalie C. Celestial ng Rizal, Occidental Mindoro. Sina Irene S. Acuzar ng Gasan, Marinduque, at Salvacion M. Recto naman ng San Agustin, Romblon ang nakakuha ng pang-apat at pang-limang karangalan.
“Ako po ay isang ulirang parent lider dahil ginagawa ko ang mga dapat gawin at mahal ko ang lahat ng miyembro ko kaya wala akong pinipiling tao…Pinapaalalahanan ko sila lagi na ipagpatuloy ang pag-aaral ng mga bata. Isa din po ako sa mga nagboboluntaryo na magturo sa kanilang FDS, gamit ang aming dialekto, upang mas lubos nilang maunawaan ang aming aralin sa FDS. Katuwang din po ako na magpalago ng kanilang kaalaman sa kalinisan at kalusugan,” ani PL Norma.
Si PL Norma ay magiging katuwang ng Departamento sa mga adbokasiya nito ###