BANSUD, Oriental Mindoro – Nagsagawa ng Family Day para sa mga katutubong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa Bansud, Oriental Mindoro ang Municipal Action Team (MAT) ng Bansud kasabay ng kanilang Consultation Dialogue noong Nobyembre 6, 2017.
Dinaluhan ng mahigit 400 na katutubo mula sa barangay Bato, Conrazon, Malo, Manihala, Pag-asa, Rosacara, at Villa Pag-Asa ang isang buong araw na aktibidad na dinaos sa Bansud Gymnasium. Pinangunahan ng MAT leader na si Darleen Lolong ang aktibidad sa tulong ng Municipal Social Welfare and Development Officer na si Violeta Nazareno.
“Malaki ang tulong ng 4Ps sa inyong mga katutubo. Kaya kinakailangan na lagi kayong makipagcooperate para mas matulungan pa namin kayo,” sabi ni Honorable Mayor Angel M. Saulong na dumalo rin sa aktibidad upang magbigay ng mensahe para sa mga katutubo.
Katuwang ang lokal na pamahalaan ng Bansud, ang aktibidad ay naglalayong magkaroon ng participative at interactive na diskusyon ang mga dumalo tungkol sa kani-kanilang mga karanasan sa programa. Layunin din nito na magbigay ng update sa programa at magpalaganap ng adbokasiya para sa mga karapatan ng mga katutubo.
Napuno ang unang programa ng diskusyon ukol sa pagrerehistro ng mga katutubo alinsunod sa Administrative Order no. 3 series of 2004 na pinangunahan ng Acting Municipal Civil Registrar Melca Tolentino. Sinundan ito ng diskusyon tungkol sa Responsible Parenthood na ipinaliwanag ni Nelly Lusterio, Midwife III ng Municipal Health Office (MHO) ng Bansud. Si Mary Grace Adarlo, Medtech ng MHO, ang nagbigay naman ng impormasyon tungkol sa wastong pangangalaga ng kalusugan. Bukod pa rito, nagbigay din ng pagpapaliwanag ang Philippine National Police (PNP) sa pangunguna ni PO1 Dasiree Soldevilla at PO2Melvin Castillo tungkol sa RA 7610 o Anti-Child Abuse Law.
Matapos ang mga diskusyon ay nagpainom naman ng gamot ang Department of Health (DOH) para sa mga matatanda at bata upang makaiwas sa filariasis na karaniwan sa mga katutubo ng Bansud.
Ang pangalawang parte ng programa ay binuo naman ng kasiyahan sa pamamagitan ng iba’t ibang mga palaro para sa mga benepisyaryo mula sa iba’t ibang barangay. Nagbigay rin ng mga gamit pang-eskwelahan at mga proper hygiene kit para sa mga batang dumalo.