Mga katutubong Palaw’an mula sa Sitio Magkalip, Brgy. Taburi, Rizal, Palawan

Rizal, Palawan – Bilang pagtatapos ng kanilang aktibidad sa taong 2017, nagsagawa ng Indigenous People (IP) Caravan ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng DSWD MIMAROPA sa Sitio Bulnog, Brgy. Taburi, Rizal, Palawan noong Disyembre 27-28, 2017.

Ang dalawang araw na aktibidad ay dinaluhan ng mahigit 166 na katutubong Palaw’an mula sa Sitio Magkalip, Bulnog, at Apat. Sa temang “Katutubo, ika’y mahalaga, Sama-samang pagtitipon para sa mas mayamang bigkis ng mga katutubo”, naglalayon ang aktibidad na palawigin ang kaalaman ng mga katutubo upang magbigay boses para sa kanilang mga karapatan.

Sa unang araw, nagkaroon ng diskusyon tungkol sa kanilang karapatan na  pinangunahan ng  Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) na si Silico Valdestamon, kahalagahan ng malusog at malinis na pangangatawan para sa mga bata at maternal health at family planning naman para sa mga mag-asawa sa pangunguna ng Municipal Health Office (MHO). Nilahad din sa kanila ang mga serbisyo at programa na maari nilang makuha sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Kadang-kadang, isang katutubong larong ginagamitan ng kawayan na inaapakan ng mga manlalaro habang naglalakad

Katuwang ang MHO, nagkaloob din ng libreng check-up para sa mga katutubo at libreng gamot. Nagbigay din ng serbisyo ang Municipal Civil Registrar (MCR) upang tulungan silang makapagrehistro ng kanilang marriage at birth certificate.

Matapos ang mga diskusyon sa umaga at hapon sa unang araw ng aktibidad, ipinakita naman ng mga katutubong Palaw’an ang kanilang masaganang kultura sa pamamagitan ng: pagluluto ng lotlot, isang kakanin na ipinahalong gata ng niyog at malagkit na bigas na iniluto sa kawayan; pagsayaw ng tarok, isang sayaw upang tumawag sa Itaas upang mabigyan sila ng masaganang ani o kaya naman ay pagalingin ang may sakit; pag-awit ng lantige, liling at inding, mga kanta para sa panliligaw; at ang pagpapakita ng isang drama tungkol sa kanilang kultura.

Samantala, ang pangalawang araw ng aktibidad ay napuno naman ng mga palarong katutubo gaya ng kasing, katutubong laro na kahawig ng paglalaro ng trumpo, perihan, isang laro kung saan hihipan ng manlalaro ang mahabang kawayan na may “bala” upang itama sa isang board na katulad sa dartskadang-kadang, palarong gumagamit ng dalawang kawayan na tatapakan ng mga manlalaro, at pating, palaro kung saan ang mga manlalaro ay paunahang umakyat pataas sa lubid. Bukod sa mga palarong ito, mayroon ding ibang laro para sa mga bata gaya ng balloon relay, water relay, at bottle and nail relay.

Ang IP Caravan na isinagawa ay hindi lamang sa Palawan, kundi pati na rin sa Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, at Romblon na isinagawa rin nang sabay-sabay noong Disyembre 27-28.  ###

Loading