Ang pagkakaroon ng gulayan, ito man ay sa bakuran o sa pamayanan ay sinasabing isang pangangailangan sa kasalukuyan. Kakulangan sa pagkain at pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang nakikitang dahilan ng unti-unting pag-unlad ng ganitong mga gulayan. Ang gawain ring ito ay nagbibigay ng magandang pagkakataon sa mga tao sa komunidad na magsama-sama at matuto sa isa’t isa ng mga bagong kakayahan habang kanilang painauunlad ang kanilang mga pananim.

Ang Gulayan sa Barangay sa ilalim ng bio-intensive gardening na inisyatibo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay isa rin sa nagpapaigting ng kagustuhan ng bawat miyembro nito na magsagawa ng kanilang sariling gulayan sa bakuran o sama-samang magsagawa ng gulayan sa kanilang barangay. Naglalayon itong magkaroon ng masustansiyang pagkain sa hapag-kainan ang bawat pamilya sa komunidad hindi lamang ang mga benepisyaryo nito at magbigay din ng alternatibong pagkakakitaan ang mga miyembro ng programa. Ang pagtatagumpay ng gulayan ay nakasalalay sa partisipasyon at pakikiisa ng bawat miyembro ng cluster sanhi ng magandang dulot at kahalagahan nito sa kanilang mga pamilya at pamumuhay.

Ang bayan ng Rizal sa lalawigan ng Occidental Mindoro ay malugod na niyakap ang panukalang gulayan sa komunidad ng Pantawid Pamilya. Nangunguna sa pagiimplementa rito ay ang Canturoy Community Garden.

 

Pagtutulungan at Pagkakaisa

Ang gulayan sa Sitio Canturoy, Brgy. Manoot, Rizal ay binubuo ng mga cluster groups mula sa Sitio Amaling II, Sitio Lower Canturoy, at Sitio Upper Canturoy. Enero noong taong 2017 nang nagkaisa ang mga benepisyaryo na magkaroon ng kanilang sariling gulayan sa barangay.

Binubuo ng limang cluster groups ang gulayan na ito na kinabibilangan ng mga sumusunod: Jacinto cluster na may 23 samabahayang miyembro; Gomez cluster na may 33 sambahayang miyembro; Burgos cluster na may 26 sambahayang miyembro; Zamora cluster na may 27 sambahayang miyembro; at Luna cluster na mayroong naman 27 samabhayang miyembro. Ang limang cluster groups na ito ay may mga itinalagang mga gawain na kung saan ang lahat ng miyembro ay sumusunod at regular na isinasagawa ang kanilang mga responsibilidad kagaya ng paghahanda ng pagtatanimang lupa, pagtatanim ng binhi, pagdidilig, pagdadamo, at pagsasaayos sa bakod ng gulayan.

Bagamat malaki ang bilang ng miyembro ng gulayan na ito, maayos naman na naipapatupad ang kani-kanilang tungkulin at rotation ng iskedyul ng bawat cluster. Tuwing Lunes, ang Gomez cluster ang nangangasiwa sa gulayan, na sinundan naman ng Burgos Cluster sa Martes, at Jacinto Cluster sa Miyerkules. Samantala, ang Zamora Cluster ay naka-iskedyul ng Huwebes at Biyernes naman ang mga benepisyaryo ng Luna Cluster. Ang Sabado at Linggo ay itinalaga nilang “open time schedule”, kung saan kung sino mang miyembro ang magawi sa gulayan ay siyang magdidilig ng pananim. Hindi naman nawawalan ng miyembrong magdidilig sa mga araw na iyon sapagkat bawat miyembro ay may pagkukusa at nakikiisa sa layunin ng gulayan na makapagbigay ng masustansyang pagkain ang samabhayan sa kanilang komunidad upang mapangalagaan ang kanilang mga kalusugan.

Nobyembre ng taong 2016 nang ipinagpaalam ng grupo kay Kapitan Bonifacio Custodio ang bahagi ng lupa sa Sitio Lower Canturoy sa pamamagitan ni Kagawad Emil Tamboong upang kanilang magamit na siya namang napagbigyan. Hanggang sa kasalukuyan, ang lugar ay ginagamit pa rin ng grupo sa kanilang paggtatanim.

Hirap ang grupo sa pagkuha ng tubig para sa kanilang gulayan dahil malayo ang kanilang pinagkukuhanan. Sa pag-pagkuha ng tubig, isinasakay nila ang kanilang pinag-igiban sa kariton o tricycle upang madala sa kanilang gulayan. Dahil dito, nanguna ang kanilang mga parent leaders na makapagpagawa ng water system sa kanilang lugar. Hindi lamang ang kanilang gulayan ang nakinabang dito kundi pati na rin ang Barangay Health Station, Child Development Center, Elementary School, at ang mga sambahayang nakatira sa paligid nito.

Noong Setyembre 2017, lalong nabigyang ng motibasyon ang miyembro ng gulayan noong sila ay makakuha ng 3rd Place sa gardening contest ng Rizal Local Government Unit sa pagdaraos ng Nutrition Month. Nakapagbigay ito ng inspirasyon sa kanila sapagkat nakilala ang kanilang sama-samang pagsisikap at ang kanilang patutulungan bilang isang grupo.

 

Pagpapalawig ng Ugnayan at Kooperasyon

Mula sa pakikipag-ugnayan at suporta ng Pantawid Pamilya, nagkaroon ng inisyatibo ang mga benepisyaryo ng programa ng bumuo ng isang proyekto na makakatulong sa pagtustos sa kanilang pangangailangan sa pagpapagawa ng kanilang water system. Ito ay ang kanilang tinatawag na MaBoteng Pamayanan Project kung saan nangolekta ang mga miyembro ng mga bote, lata, at dyaryo upang ibenta. Ang naipon nila mula rito ay kanilang ibinili ng mga materyales na kailangan sa kanilang water system.

Sa pangunguna ng kanilang Municipal Link, napagkalooban din ng training ang ilan sa mga miyembro ng grupo para sa Organic Pest Management. Ang kanilang natutunan dito ay siya rin naman nilang nagamit sa kanilang gulayan. Nagkaroon din ng Farmers Field Seminar noong Marso 2018 sa pangunguna naman ng Municipal Agriculture Office (MAO) ng Rizal na nilahukan ng ga benepisyaryo ng Pantawid, kabilang ang ilang miyembro ng grupo, at pati na rin iba pang hindi benepisyaryo.

Hindi naman naging mahirap para sa gulayan sa Canturoy ang makahanap ng butong kanilang itatanim. Bukod sa mga binhi na kanilang nakukuha mula sa MAO, ang bawat isa ay nagbabahagi rin ng kanilang buto mula sa kanilang mga sari-sariling pananim sa bakuran.

Sa kasalukuyan, mayroon muling inisyatibong isinasagawa ang gulayan ng Canturoy sa pangunguna ng mga parent leaders na sina Rosalie Celestial at Lotis Arevalo. Isang proposal ang kanilang ginawa na kanilang ipinasa sa Department of Agriculture – Occidental Mindoro na naglalayon na sila ay matulungan sa kanilang pagpapatayo ng greenhouse para sa gulayan. Ang proposal na ito ay pinoproseso na upang mapagkalooban ang grupo ng materyales na kanilang kailangan para rito.

 

Alternatibong Pagkakakitaan

Simula noong mabuo ang gulayan ng Canturoy, nakapagtanim na sila ng 16 klaseng gulay at ilang lamang-ugat. Kalimitan sa kanilang mga tanim ay: kalabasa, talong, okra, patola, sili, malunggay, alugbati, pechay, labanos, kamote, sitaw, singakamas, mani, gabi, sibuyas, at bawang. Sa buong panahon na isinasagawa ng grupo ang pagtatanim, wala namang naitalang pagkakataon na sila ay naapektuhan ng peste o pagkabulok ng pananim. Isang matatandaang pangyayari lamang ay nitong nagdaan ang buwan ng Marso 2018, nang hindi naging maganda ang ani ng grupo sa kanilang pananim na mani, dulot ng tagtuyot, kung saan hindi lahat ng pananim ay nagkaroon ng laman sa loob. Ang ganitong sitwasyon ay sadyang hindi mapipigilan ngunit ayon sa grupo, isang biyaya na sa kanila na mayroon pa rin silang napakinabangan sa kanilang pananim sa kabila ng tindi ng tagtuyot.

Hindi man pangunahing layunin ng gulayan ang aspetong ekonomikal, sinubukan pa rin nilang magbenta ng kanilang ani. Ang presyo ng gulay sa kanilang gulayan ay di hamak na mas mababa kumpara sa presyo ng gulay sa pamilihang bayan kaya naman hindi lamang ang mga miyembro ng grupo ang mga bumibili rito kundi pati na rin ang iba pang mga naninirahan sa komunidad. Halimbawa nito ay sa isang tali ng labanos na may anim na piraso, nagkakahalaga lamang ito na P10.00. Samantala, ang pechay naman na may limang puno kada tali ay nagkakahalaga rin ng P10.00.

Ang ani noong Hunyo 2017 ay nakapagbigay sa kanila ng P480.00 at ang ani naman noong Oktubre 2017 ay nakapagbigay ng P780.00. Ang kanilang kabuuang kita na P1,260.00 mula sa kanilang napagbentahan ay idinagdag sa pondo para sa kanilang water system. Masasabing malaki na rin ang kitang ito sapagkat wala silang masyadong pinagkakagastusan sa kanilang gulayan kundi ang kanilang pagbabakod dito at ang pagbili ng trichoderma, na isang uri ng organikong pestisidyo na nagkakahalaga ng P30.00 kada kilo. Ginagamit nila ito upang sugpuin o bawasan ang sakit ng halaman.

 

Epekto at Dulot ng Gulayan

Maraming karagdagang kapakinabangan ang gulayan sa komunidad sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mataas na bilang ng makukuhang masustansyang pagkain, pagpapalakas ng ugnayan ng mga miyembro ng komunidad, pagbibigay ng positibong benepisyo para sa kapaligiran, at iba pa. Ang mga nabanggit ay sya rin namang nagiging dulot ng gulayan sa Canturoy.

Nakakatuwang isipin na ang gulayang ito ay nakakapagbigay ng magandang epekto sa mga miyembro, sa kanilang mga anak, at maging sa buong komunidad. Napansin ng mga parent leaders, na sila ring nagseserbisyo bilang Barangay Health Workers, na gumaganda ang pangangatawan at estado ng kalusugan ng mga bata sa kanilang komunidad. Bagamat mayroon pa ring mga bata sa kanilang lugar na mayroong mababang timbang o kulang sa laki, isang indikasyon pa rin ito ng pagkamit ng layunin ng grupo para sa kanilang gulayan upang lubusan nang maalis ang kaso ng malnourishment sa kanilang komunidad.

Pagtulong sa kapwa – hindi inaari ng bawat miyembro na ang gulayan ay para lamang sa kanilang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya. Ito ay isang pamamaraan nila ng pagtulong sa lahat ng naninirahan sa kanilang lugar. Ang gulayan ay nagbigay ng motibasyon sa grupo upang mas mangarap na magpaunlad ng kanilang sarili upang kanilang mapaunlad din ang kanilang buong komunidad. ###

 

Contributed by: Arrah Grace F. Calanza, ML Rizal, Occidental Mindoro

Edited by: Maria Alyssa L. Esguerra, IO, Pantawid

 

Loading