ORIENTAL MINDORO – Kamakailan lamang, ang Sustainable Livelihood Program ay nagsagawa ng Local Recruitment Activity sa Calapan, Pinamalayan, at Mansalay, Oriental Mindoro nitong ika-29 hanggang ika-31 ng Mayo taong 2018.

Sa pakikipag-ugnayan ni Ginang Marites Pones, Private Sector Partnerships Officer ng rehiyon ng MiMaRoPa, ang kumpanyang EEI Corporation ay bumaba sa mga nasabing munisipyo upang magsagawa ng on-the-spot hiring sa mga aplikante. Ilan sa mga trabahong inalok ng kumpanya ay nasa linya ng konstruksyon tulad ng Masonry, Carpentry, at Tile Setting.

Apatnapu’t walong aplikante sa kabuuan ang natanggap at agad na pinag-asikaso ng mga kinakailangang dokumento upang makumpleto ang proseso. Sila ay nakatakdang ipadala sa Maynila at makatatanggap ng minimum wage na Php 512.00 kada araw, Overtime Pay, at benepisyo mula sa SSS, PhilHealth, Pag-IBIG, at iba pa.

“Natutuwa ako kasi marami na akong experience sa pagma-mason at magagamit ko ito sa trabaho. Pagkatapos nito, pupunta na ako ngayon sa SSS para asikasuhin ‘yung mga requirements ko,” sambit ni Rolando Molina, kauna-unahang aplikante na natanggap sa Masonry.

Katutubong Mangyan ng Bongabong 

Isa sa mga prayoridad ng EEI Corporation na mabigyan ng trabaho ay ang mga miyembro ng Indigenous Peoples sa Pilipinas. Sa katunayan, dalawa sa tatlong katutubong Mangyan na dumalo sa aktibidad ang natanggap upang sumailalim sa pagsasanay.

Sina Mawin Daway, Aytag Yagam-ay, at Altan Angguman ay mga katutubong Mangyan na naninirahan sa Bongabong, Oriental Mindoro. Sila ay magkaka-baryo na ang pangunahing hanapbuhay ay pagtatanim ng saging at kamote sa kabundukan. “Nahihirapan kami sa salapi. Kulang ang kinikita namin,” tugon ni Mawin nang tanungin kung ano ang nag-udyok sa kanya na pumunta sa recruitment. Kwento ni Mawin ay kumikita lamang siya ng limandaan kada buwan at kung minsan pa nga ay dalawampung piso lamang kung natutuyo ang mga saging dahil sa init ng panahon.

Si Aytag naman, 25 anyos, ay nagbaka-sakali lamang na matanggap upang mapagamot ang kanyang ina. “Gusto ko lang po na mapagamot si nanay kasi may TB (tuberculosis) siya,” sambit ni Aytag.

“Kung makakapag-aral, pangarap ko po sana sa buhay ay matulungan ang aking tatlong kapatid. Nagtatanim din sila tapos nahihirapan,” ani Angguman, 22 anyos, nang tanungin kung ano ang pangarap nito sa buhay.

Si Mawin at Angguman ay natanggap upang sumailalim sa dalawampu’t anim na araw na pagsasanay bago sumabak sa trabaho. Hindi man pinalad na makuha dahil sa kapansanan sa paglalakad, si Aytag ay pursigido pa din na makahanap ng trabaho kaya naman mag-iikot pa siya sa munisipyo upang humanap ng oportunidad.

Katuwang na Kawani

Kinikilala ng Public Employment Service Office (PESO) ng Mansalay, Oriental Mindoro ang kahalagahan ng pagdaraos ng mga serbisyong pag-eempleyo. “Sa halip na lumuwas para mag-apply sa Maynila, lumalapit na ang employer at nalalaman agad ang mga problemang maaaring harapin ng mga aplikante kaya mas madali na ang proseso,” sambit ni Ginoong Lowell Anastacio, PESO Manager ng Mansalay.

Ang EEI corporation ay isa sa mga kilala at nangungunang kumpanya sa linya ng konstruksyon sa Pilipinas. Sila ay matatagpuan sa 12 Manggahan, Bagumbayan, Lungsod Quezon, 1110 Kalakhang Maynila.

Loading