Naujan, Oriental Mindoro – Dalawang daan apatnapu at apat (244) na parent leader ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng Naujan ang lumahok sa dalawang araw na Emergency First Aid and Basic Life Suport training na ginanap noong Oktubre 1-2, 2018 sa apat na makakaibang lugar sa bayan ng Naujan sa pakikipagtulungan ng Pantawid Pamilya, Red Cross at pamahalaang bayan ng Naujan.
“Mas ligtas ang may alam” – ito ang inilahad ni Atty. Mark N. Marcos punong bayan ng Naujan sa kanyang paunang pananalita sa isa sa unang cluster training sa emergency first aid and Basic life support the ginanap sa Bahay Tuklasan noong Oktobre 1, 2018. Dahil sa mga nakaraang karanasan ng bayan ng Naujan dulot ng mga mapaminsalang bagyo, ay pinaigting ng punong bayan ang pagbibigay suporta sa mga programang disaster risk reduction program.
Sa pangunguna ng DSWD Municipal Action Team ng Bayan ng Naujan, kasama ang Guada De Leon Red Cross, Joey M. Geroleo, MDRRMO , at sa pamahalaang bayan ng Naujan ay isinagawa ang dalawang araw na training para sa mga parent leaders ng Pantawid Pamilya upang sanayin sila sa Emegency First Aid at Basic Life Support. Layunin nitong magbigay ng kaalaman at kakayahan sa kanila upang maging kaagapay ng pamahalaang bayan sa pagliligtas at pagbibigay-alam tungkol sa mga gawaing makakatulong upang mabawasan ang pinsala ng mga darating na sakuna sa bawat barangay na kanilang nasasakupan.
Bukod sa kaalaman at kasanayan na kanilang natanggap ay magiging miyembro ng MDRRM coordinators ang mga parent leader upang maging mabilis ang pagbibigay ng serbisyo sa oras ng mga kalamidad at mga hindi inaasahang pangyayari sa kani-kanilang barangay.
Bukod dito, nagbigay ayuda din ang punong bayan na ang mga kalahok na parent leader ay mapasama sa one year accident insurance ng Red Cross. ###
Submitted by: Bernon A. Agleron