Brooke’s Point, Palawan – Bawat benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa Brgy. Malis, Brooke’s Point, Palawan na mayroong 9 na grupo at 250 na myembero ay sama-samang nagtanim at bumuo ng gulayan sa kanilang barangay na nagsimula noong unang linggo ng Hulyo taong 2018.
Isa sa nakikitang sagot sa pagkakaroon ng isang malusog na pangangatawan at pagbawas sa kaso ng malnutrisyon sa kanilang komunidad ay ang pagkakaroon ng gulayan sa barangay bukod pa sa gulayan sa bakuran.
Kaya naman, napagtanto ng bawat myembrong kasapi ng samahan na magtulungan mula sa paglilinis, pagbubungkal, paghahanap ng binhi at ang pagtatanim sa kanilang napiling lugar sa barangay, hanggang sa pag-ani ng bawat gulay na kanilang itinanim, at napagkakitaan sa pamamagitan ng pagtitinda ng kanilang mga ani sa palengke. Ilan sa mga gulay na kanilang itinanim ay okra, siling haba, kalabasa, patola, kamatis at sitaw na masasabing isa sa may pinakamalapad na taniman.
Ayon kay Gng. Theresa Ambuan, isa sa mga parent leaders ng nasabing barangay, na isa itong malaking tulong sa bawat myembro ng programa sapagkat ang iba’y dating walang intensyon sa pagtatanim ay natuto at nakita nilang hindi imposible na ito’y kanilang mapagkakitaan din. Dagdag pa niya, simula ng sila’y nagtanim hanggang sa katapusan ng buwan ng Nobyembre sila ay kumita na ng higit sa P7,000.00 na kanilang magagamit na kanila namang paghahatian para sa kanilang pansariling gastusin.
Ipinakikita lamang dito na hindi imposible na magkaroon ng magandang resulta ang bawat pagsusumikap, matutong magkaroon ng positibong pananaw sa buhay ng tulong-tulong para sa pagkakaroon ng isang malusog na mamamayan sa isang komunidad.
Buhat nang ang gulayan sa baranggay ng Malis ay nabuo, nakita hindi lamang ng nga benepisyaro kundi pati na rin ang mga taong nasa barangay ang magandang epekto nito: nabawasan ang malnutrisyon, nagkaroon ng dagdag na kita ang mga miyembro, at napagtibay din ang samahan ng bawat pamilya at grupo. Dahil dito naisin ng bawat miyembro kasama ang konseho ng baranggay na ipagpatuloy, susuportahan, at ibabahagi pa sa iba ang gawaing ito. ###
Submitted by: Arianne S. Bacaling