Bansud, Oriental Mindoro – Matagumpay na nairaos ang isang outreach program at libreng konsultasyon para sa mga katutubong Buhid Mangyan ng Sitio Palamang, Brgy. Manihala, Bansud, Oriental Mindoro noong Nobyembre 17-18, 2018. Dinaluhan ito ng mahigit 70 na pamilya na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa pangunguna ng Municipal Action Team ng Bansud na binubuo ng mga kawani ng Pantawid Pamilya at Sustainable Livelihood Program ng Department of Social Welfare and Development.
Matiyagang nilakbay ng grupo and komunidad ng mga katutubo upang maipaabot ang serbisyong kanilang bitbit. Ganap na ika-7 ng gabi nang marating nila ang komunidad ng mga katutubo na malugod namang tumanggap sa kanila.
Opisyal na sinimulan ang aktibidad sa ikalawang araw ng kanilang pagbisita. Kasama si Dr. Jonathan Leviste mula sa Oriental Mindoro Provincial Hospital (OMPH), nagsagawa ng libreng konsultasyon at libreng gamot at bitamina para sa mga katutubo. Kasabay ng konsultasyon ay nagpamigay din ng mga laruan sa mga batang Buhid Mangyan mula sa mga donasyon na nalikom ng grupo. Bukod pa rito, nakatanggap din ang mga batang Buhid ng tsinelas na kanilang magagamit sa pagpasok sa paaralan. Katuwang din ang iba pang ahesnya, nakatanggap din ng libreng kulambo ang bawat pamilyang katutubo na magagamit nila upang makaiwas sa mga karamdamang dala ng lamok.
Nilalayon ng akttibidad na ito na marating ang mga katutubo na walang sapat na pinansyal upoang makapagkonsulta at makabili ng gamot. Higit na ikinataba ng kanilang puso ang mga simpleng regalo na kanilang natanggap na nagbigay ng panibagong pag-asa sa kanila.
Lubos ang kagalakan at pasasalamat ng mga katutubong Buhid Mangyan, na sa kabila ng kanilang kalagayan ay hindi ipinagkait ang ganitong libreng serbisyo. Patuloy naman ang serbisyong ibibigay ng Convergene Team ng Bansud para sa mga benepisyaryo ng programa sa pagsasagawa ng ganitong mga aktibidades. ###
Submitted by: Darleen T. Lolong