“Tatay sa umaga, nanay sa gabi” ang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program na si Emmanuel Malalad na tubong Brgy. Tugos, Boac, Marinduque. Hiwalay man sa kanyang asawa ay kinakaya pa rin niyang mag-isa ang pagtataguyod sa kanyang limang anak na sina Kristine, 12 taong gulang, Jhon Moises, 10 taong gulang, John Alfred 8 taong gulang, Emmanuel Jr. 7 taong gulang at Antonnete 5 taong gulang at kasalukuyang nag-aaral sa mababang paaralan ng Don Luis Hidalgo Memorial sa bayan ng Boac.
Naging miyembro ang kanilang pamilya ng Pantawid Pamilya Pilipino Program noong taong 2013 at ang kanyang kabiyak na si Maida Malalad ang unang naging grantee ng programa. Noong taong 2013, umalis si Maida patungo sa Maynila upang magtrabaho subalit di na ito bumalik sa kanilang pamilya magpahanggang ngayon. Simula noon, si tatay Emmanuel na ang tumayong tatay at nanay sa lima nilang anak. Siya na rin ang pumalit na grantee sa programa. Taong 2014, napagdesisyunan nilang lumipat at manirahan sa Brgy. Santol, Boac, Marinduque. Si Tatay Emmanuel ang regular na dumadalo ng buwanang Family Development Sessions (FDS) at iba pang mga gawain sa programang Pantawid Pamilya.
Nagsisimula ang araw ni Tatay Emmanuel sa ganap na ika 3:45 ng umaga kung saan siya ay gumigising upang umpisahan ang kanyang trabaho bilang isang tindero ng pandesal. Ang kinikita niya dito na Php140 pesos sa umaga ay pinangbibili na niya ng bigas at ulam para sa kanilang mag-aama. Pagkatapos ng kaniyang pagtitinda bandang 6:30-7:00 ng umaga, hinahatid na niya ang kaniyang mga anak sa eskwelahan. Bandang alas 9:00 ng umaga, nagsisimula na siyang mag-asikaso ng pagluluto ng pagkain para sa pananghalian ng kanyang mga anak na siyang dadalhin niya sa eskwelahan para naman makakain ng tanghalian ang mga bata. Pagkatapos ng klase ng kanyang mga anak, sinisikap ni Tatay Emmanuel na turuan ang kanyang mga anak sa kanilang mga aralin sa eskwelahan. Sinisikap niyang ipamulat sa kanyang mga anak ang kahalagahan ng edukasyon na nakatutugon din sa kondisyon ng programa.
Mahirap man na mag-isang nagtataguyod sa kaniyang mga anak, sinisikap ni Tatay Emmanuel na magampanan lahat ng kanyang mga tungkulin bilang isang magulang. Salat man sa edukasyon, sari-saring trabaho ang pinapasok ni Tatay Emmanuel upang matugunan ang pangangailangan ng kanyang pamilya. Ayon sa kanya, gusto niyang makatapos ng pag-aaral ang kaniyang mga anak upang guminhawa ang kanilang buhay. Bilang isang magulang nagagamit din niya ang kanyang natututunan sa FDS tungkol sa tamang pagaaruga sa mga bata kaya naman ibinabahagi niya ang mga kagandahan asal at ultimong gawaing bahay ay unti-unti na rin natututunan ng kanyang mga anak. Bagaman sila ay hiwalay sa kasalukuyan ng kaniyang kabiyak, palagi pa rin niyang ipinapaalala sa kanyang mga anak na huwag silang magalit sa kanilang ina sapagkat nanay pa rin nila ito. Bilang pandagdag suporta sa kanilang kinikita siya din ay umeekstra bilang tagalitson ng manok, nagluluto ng fishball, nag-aalaga din siya ng baboy at manok at nagtatanim ng gulay sa paligid ng kanilang bahay pandagdag sa kanilang kakainin sa araw araw.
Bilang isang miyembro ng Pantawid Pamilya, si tatay Emmanuel ay aktibo sa lahat ng mga gawain ng programa ayon sa kaniyang parent leader. Hanga sila sa pagiging masipag at maabilidad ni Tatay Emmanuel. Nakikita nila ang pagmamahal niya sa kaniyang mga anak. At upang maipamulat sa kaniyang mga anak ang pagiging may takot sa Diyos, sama sama naman silang sumasamba sa kanilang simbahan tuwing Miyerkules at Linggo. At kung minsan naman, sila ay naliligo sa dagat bilang kanilang “bonding”. Aktibo rin si Tatay Emmanuel sa mga gawain sa eskwelahan ng kaniyang mga anak.
Bagaman hindi biro ang pagiging isang “single father”, malaki pa rin ang pasasalamat niya sa Diyos at sa tulong na rin ng cash grants na natatanggap kada dalawang buwan ay nakakaya niyang itaguyod ang kanilang mga anak. Nagpapasalamat siya dahil kahit hirap sila sa buhay, walang sakit ang kanyang mga anak, at lalong hindi nagkakaroon ng anumang problema sa kanilang pag-aaral. At higit sa lahat, ay binibigyan pa rin siya ng malusog at malakas na pangangatawan para harapin ang lahat ng hamon ng buhay at dahil dito alam niya, at naniniwala siya na kayang kaya nilang harapin ng kaniyang mga anak ang anumang pagsubok na darating pa sa hinaharap. ###
Submitted by: Ezra Mae P Reforma