Roxas, Palawan – Aktibong nakilahok ang mga haligi ng tahanan sa isinagawang ERPAT (Empowerment and Reaffirmation on the Paternal Abilties Training) sa iba’t ibang barangay sa bayan ng Roxas nitong buong buwan ng Nobyembre 2018.

Sa pakikipag-ugnayan ng ERPAT Focal Person na si Ms.Rosalie Macatangay, Social Welfare Officer III ng Municipal Social Welfare and Development Office sa mga Municipal Links ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa Roxas, Palawan, naging matagumpay na naisagawa ang oryentasyon sa ERPAT sa mga tatay na benepisyaryo ng programa.

Ang aktibidad na ito ay naging bahagi ng isinagawang Family Development Session (FDS) sa buwan ng Nobyembre 2018. Bahagi ng kondisyon ng programa ang dumalo ang mag-asawa sa mga sesyon patungkol sa pagiging responsableng magulang at pagpaplano ng pamilya. Kung kaya’t sa tulong ng mga Municipal Links at koordinasyon sa iba’t ibang barangay ay matagumpay itong naisagawa.

Layunin ng aktibidad ito na paigtingin ang mga responsibilidad ng tatay bilang haligi ng tahanan. Ayon kay Ms. Macatangay, dapat na magtulungan ang mag-asawa sa pagtataguyod ng magandang kinabukasan ng pamilya. Sa tulong nito, mas napapatibay ang magandang samahan ng mag asawa. Dagdag pa niya, umpisa pa lamang ito ng maraming sesyon para sa mga tatay bilang haligi ng tahanan.

Maliban sa oryentasyon na ito ay magkakaroon pa ng iba’t ibang aktibidad ang ERPAT sa susunod na taon kung saan ay mayroong nakalaan na module upang mas palawakin pa ang kaalaman ng mga tatay.  

Inaasahan na magiging aktibo ang mga tatay sa mga susunod pang sesyon. ###

 

Submitted by: Mary Valerie L. Magallado

Loading