Si Elegio Regencia isang simpleng haligi ng tahanan mula sa Bgy. Punong, Sta Cruz Marinduque. Siya ay may apat na anak na mag-isang nagtaguyod para sa kaniyang pamilya simula ng sila’y iwanan ng kanyang asawa noong 2016.
Maihahalintulad na malaking pagsubok para sa isang amang katulad ni Elegio ang hamon para magsimulang muli mula sa pag abandona ng kanyang asawa sa kanilang mag-anak. Nang iniwan siya nito, halos ang apat niyang anak ay madalas kasama sa feeding program ng eskwelahang pinapasukan dahil sa ang mga bata ay kulang sa sapat na timbang. Bilang isang tatay masakit na malaman niya na bagamat kumpleto ang sustentong ipinapadala sa maybahay, napakahirap tanggapin na lahat ng kanyang pinaghirapan ay nauwi lamang sa wala. Bagamat masakit ang kalooban sa pangyayari, minabuti niyang bumangon at magpakatatag para sa kanyang mga anak.
Mula sa simpleng pamumuhay niya at apat niyang mga anak, kahit mahirap ang naging sitwasyon pinilit nilang maging buo. Sumasabak siya sa pagtrabaho sa konstraksyon, at sa bukid at dagat naman tuwing sabado at linggo upang matugunan ang pangangailangan ng pamilya.
Bagamat malalim ang sugat na dinulot ng paghihiwalay ng mag-asawa, hindi ito nagging dahilan upang tumalikod sila sa pagmamahal at pagtitiwala sa Panginoon. Kaya naman kabila ng lahat ng kaniyang pinagkakaabalahan, hindi nila nakaklimutang dumalo ng misa sa barnagay tuwing Linggo kasama ang kaniyang mga anak.
Kahit siya ang nag-iisa na tumatayong magulang sa pamilya, kanya pa ding naisasakatuparang matugunan ang pagdalo sa mga aktibidad at programa ng mga anak sa eskwelahan. Makikita ang kanyang katatagan sa pagiging isang lider lalo na ng maihalal siyang PTA President sa eskwelahan ng mga bata. Marahil nakita ng kanyang mga kapwa magulang ang kanyang determinasyon para bumangon muli bagkus ang nangyaring pagsubok sa buhay. Napag-alaman din na mula sa kanyang galing, sipag at tiyaga, halos lahat ng kanyang apat na anak ay naging maayos ang pangangatawan at nagkaron ng mataas na karangalan mula sa kanilang eskwelahang pinapasukan.
Masasabing isang magandang ehemplo ang tatay na si Elegio di lamang sa kanyang mga kapwa benepisyaryo kundi maging sa kanyang komunidad. Nabigyan din siya ng pagkakataon upang makapagsilbi sa komunidad bilang isang lupon sa Barangay.
Sa lahat ng kanyang nagging katungkulan bilang isang lider sa paaralan at komunidad kanyang nabanggit na naging malaki ang katulungan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa kanyang kalagayan sa kasalukuyan. Malaking bagay ang mga natututunan nya sa Family Development Session (FDS) ng Pantawid Pamilya lalo na sa aspetong pagiging responsableng magulang at mamamayan. Dito niya rin nalaman ang lahat ng bagay tungkol sa kalusugan at kahalagahan ng edukasyon. Malaking pasasalamat din ang kanyang nais ibigay sapagkat nagkaron siya ng pagkakataong makapagsimula ng maliit na hayupan mula sa puhunang naibigay ng Sustainable Livelihood Program (SLP). Masasabing siya din ay isang magandang ehemplo sa kanyang mga kapwa benepisyaryo sapagkat walang pagkakataon na di niya nagawang dumalo sa FDS kahit sa mga sandaling siya ay kailangang magtrabaho bagkus mas pinipili niyang magpaalam sa Amo kapalit ng kanyang pagdalo sa FDS activity.
Si tatay Elegio na isang maituturing na huwarang indibidwal at modelong benepisyaryo ay isang responsableng magulang at magandang halimbawa lalo na sa kanyang mga anak at komunidad.
Kanyang tinuran, “sa bawat pagdapa at pagsubok na aking naranasan, sa aking mga anak ako humuguhot ng lakas upang bumangon muli sapagkat sila ang aking tanging yaman at karangalang tunay”. ###
Submitted by: Maria Shienna R. Palma