Hindi porke mahirap, titigil ka na. Kung may pangarap ka, lahat ay gagawin mo matupad lang ito.”

Ito ang katagang nasambit ni Ivy Joy Aguiflor, isang Expanded Students’ Grant-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA) scholar ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa pakikipagtulungang ng Comission on Higher Education (CHED), na nagtapos na Cum Laude sa kursong Bachelor of Science in Secondary Education Major in Mathematics sa Marinduque State College mula sa Guisian, Mogpog, Marinduque.

Ayon kay Ivy, malaking tulong ang pagiging ESGP-PA scholar niya upang makapagtapos siya ng pag-aaral.

Si Ivy ay nagmula sa isang mahirap na pamilya na naninirahan sa Brgy. Guisian, Mogpog Marinduque. Ang kanyang ama ay si Crispin Aguiflor na isang mangingisda at ang kanyang ina naman ay si Marilyn Aguiflor na isang mabuting maybahay. Siya ay panganay sa tatlong magkakapatid. Ang kanyang mga kapatid ay mga kapwa masisikap din sa pag-aaral si Mark Denver, 17 taong gulang na nag-aaral sa Marinduque State College na nasa ika 12 na baitang, samantalang si Ellen Grace ay nasa ika 11 na baitang sa paaralan ng Quezon-Roxas High School of Marinduque Foundation Inc. Mula sa maliit na kita sa pangingisda ng kanyang ama ay pinagkakasya nila ang pang araw araw na gastusin.

Hangad ng kanilang mga magulang na makapagtapos sila lahat ng pag-aaral upang maging maganda ang kanilang kinabukasan. Ngunit di alintana na umabot sa puntong, silang magkakapatid ay sabay-sabay na nagsipag-aral, at dahil dito sila ay kinakapos. Laking pasasalamat nila na kabilang sila sa  Pantawid Pamilyang Pilipino Program na nakakatanggap ng tulong mula sa gobyerno, kung saan ang dalawa niyang nakababatang kapatid ay benepisyaryo ng programa samantalang siya naman ay isang Scholar ng ESGPPA.

Bagaman, sadyang napakahirap ng buhay at madalas ay salat sa lahat ng bagay ang kanilang pamilya dumating sa sitwasyon na pinahihinto na siya ng kanyang ama dahil hindi na kakayanin ang tumataas na gastusin. Ngunit di sya nagpatinag, gumawa siya ng paraan para maipagpatuloy pa niya ang kanyang pag-aaral. Dobleng pagtitipid ang kanyang ginawa para mabawasan ang kanyang gastusin na kung saan ang mga kagamitan niya sa pag-aaral katulad ng pag-photocopy ng kanilang mga aralin ay kanya na lamang niyang sinusulat. May pagkakataon sya na lumapit sa munisipyo para himingi ng tulong pinansyal para sa karagdagang allowance.

Laking tuwa ni Ivy nang nagbunga ang kaniyang paghihirap nang siya ay naging Cum Laude noong siya ay grumadweyt noong Marso 2018. Hindi biro ang mga karanasan na kanyang pinagdaanan upang marating niya ang dulo ng tagumpay kung kaya malaki ang kanyang pasasalamat sa programa ng gobyerno na isa sa naging dahilan upang marating niya ito. Ika nga niya, “ang kahirapan ay hindi hadlang sa pag-abot ng mga pangarap.” ###

 

Submitted by: Myka Ciela R. Granaderos

Loading