Puerto Princesa, Palawan – Ipinagkaloob ng mga miyembro ng Bangko Sentral ng Pilipinas Employees Association, Incorporated (BSPEAI) ang isang araw na medical mission sa mga katutubong Batak na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program noong December 1, 2018. Idinaos ang nasabing aktibidad sa Sitio Makandring, Barangay Langogan, Puerto Princesa City upang maihatid ang serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayang lubos na nangangailangan at mahirap maabot ng mga serbisyong katulad nito.

Sa pakikipag-ugnayan sa konseho ng Barangay Langogan at sa lokal na pamahalaan ng Puerto Princesa City ay matagumpay na naidaos ang aktibidad na pinangunahan ng BSPEAI katuwang ang mga kawani ng Department of Social Welfare and Development-Pantawid Pamilyang Pilipino Program at Armed Forces of the Philippines.

Ang Medical Mission ay dinaluhan ng 212 na indibidwal na pawing mga katutubo ng nasabing barangay. Maliban sa konsultasyon, ilan pa sa mga serbisyong ipinagkaloob ay ang libreng bunot ng ngipin, pamimigay ng libreng gamot at bitamina, libreng pakain, pagpapagupit, pamimigay ng mga laruan sa mga bata, at pamimigay ng hygiene kit sa bawat sambahayan. Kalakip ng aktibidad ay ang pagbibigay ng aliw sa mga bata at sa kanilang mga magulang sa pamamagitan ng mga palaro na may nakalaang papremyo at sa pamamagitan ng pakikihalubilo sa mascot ng Jollibee.

Ito na ang pangalawang medical mission na isinagawa ng nasabing grupo na nagnanais na maibigay ang malusog na pangangatawan sa mga labis na ngangailangan.

Nagpahayag ng pasasalamat ang mga nakatanggap ng serbisyo dahil nagkaroon sila ng pagkakataon na matingnan ng doktor at mabigayan ng libreng gamot at iba pang serbisyo na kadalasan ay mahirap maiparating sa kanila dahil sa kalagayang heograpiko. Inaasahan na magkakaroon pa ulit ng ganitong uri ng aktibidad ang nasabing grupo na ang layunin ay maihatid ang tulong sa mga nasa laylayan ng lipunan. ###

 

Submitted by:May Jayden D. Manga

Loading