Boac, Marinduque – Upang makatulong sa pagbabawas ng basura sa kapaligiran, ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa iba’t ibang baranggay ng Boac, Marinduque ay nangolekta ng mga balat ng tsitsirya at iba pang plastik na hindi naibebenta upang gawing mga ecobricks.
Sa isinagawang Family Development Session (FDS) ng Pantawid Pamilya ngayong buwan ng Enero, itinuro sa mga benepisyaryo ang paggawa ng ecobricks bilang kanilang aktibidad sa kanilang paksa sa Waste management and ecobrick-making. Upang makabuo ng isang ecobrick, nag-ipon ang mga benepisyaryo ng mga balat ng tsitsirya at iba pang plastik na kanilang isinisisiksik sa isang litro ngg bote na walang laman. Naglalayon ang aktibidad na ito na mabawasan ang dami ng plastik sa kapaligiran at sa kanilang mga tahanan. Ang mga plastik na naiipon ay kanilang ginugupit at isinisilid sa isang plastik na bote upang maging matigas. Magagamit ang mga ito sa paggawa ng mga bagay na kapakipakinabang katulad ng mga upuan at mesa.
Tuwing araw ng pagpupulong para sa FDS, bitbit ng mga benepisyaryo ang kanilang mga naipong ecobricks upang mamonitor ng mga Municipal Link o City Link ng Pantawid Pamilya. Ayon sa mga benepisyaryo, ang paggawa ng ecobricks ay sinasabing nagdulot kaagad ng malaking pagbabago sa kanilang pamamahay at komunidad. Dahil sa kanilang proyektong ito, wala nang mapapansing kalat sa kanilang kapaligiran dahil halos lahat ay nangongolekta ng basura. Maging mga bata ay nag-iipon at kumukuha na rin upang ibigay sa kanilang mga magulang. Ang iba naman ay ginagawang libangan ang paggupit ng mga plastik na inilalagay sa mga plastik na bote. Bukod sa nakakatulong ito sa kapaligiran, nagbibigay rin ito ng kalibangan sa mga benepisyaryo.
Ipagpapatuloy sa susunod na buwan ang kanilang natapos na mga ecobricks at pagpaplanuhan kung ano ang kanilang maaring buuin gamit ang mga ito.
Contributor: Ezra Mae Par Pelaez