Abra De Ilog, Occidental Mindoro – Hindi hadlang ang layo ng mga benepisyaryo sa Sitio Ibugan, Sitio Baluoy, at Sitio Cabcabo sa Barangay Cabacao, Abra De Ilog, Occidental Mindoro, upang mabigyan ng serbisyo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Noong Abril 3, 2019, ang mga kawani ng programa mula sa Abra De Ilog, na sina Project Development Officer Lucita Estonactor ng MCCT IP at si Municipal Link Jay-ar Ortega, ay tumawid ng pitong ilog
upang makapagsagawa ng Community Family Development Session (CFDS) na isang aktibidad ng programa upang bigyan ng kaalaman ang mga benepisyaryo nito tungkol sa programa at iba pang mga paksa na makakatulong sa kanilang pamilya. Tanging kariton na dala ng kalabaw at paglalakad ang kanilang transportasyon upang matunton lamang ang 26 na benepisyaryo sa ilalim ng Regular Conditional Cash Transfer (RCCT) at 11 na Modified Conditional Cash Trasher for Indgenous People (MCCT-IP) sa lugar na ito.
Isa sa mga problema ng mga estudyanteng minomonitor ng programa sa komunidad ay ang kanilang hindi pagpasok sa eskwelahan sa kadahilanang malayo ang kanilang kabahayan sa lugar na kanilang pinapasukan. Sa Sitio Ibugan ay mayroon lamang Day Care Center kaya naman maraming mga bata ang hindi nakakapasok sa eskwelahan. Kaya naman, bukod sa CFDS na kanilang isinagawa, kinausap din nila
ang mga magulang ng mga batang hindi na pumapasok sa eskwelahan upang
kumbinisihing pumasok sila sa Alternative Learning System (ALS) ng Department of Education (DepEd). Matapos nito ay nakipag-usap na sa guro ng ALS sa lugar ang mga kawani ng programa upang iendorso ang mga bata na naanyaya nilang pumasok sa Hunyo sa susunod na pasukan sa ALS.
Malayo man at mahirap ang pagtunton sa mga benepisyaryo ng programa, patuloy pa rin ang pagsisikap ng mga kawani ng Pantawid Pamilya upang patuloy na mabigyan ng serbisyo ang mga mahihirap na pamilyang kasapi nito.Nagkaroon din ng early updating ng mga eskwelahan ng mga bata at mga batang pwede pang imonitor sa programa upang patuloy na makatanggap ng tulong-pinansyal ang mga pamilya dito.
(Contributed by: Lucita Estonactor, PDO, Abra De Ilog, Occidental Mindoro)
#ReachingTheUnreachedAndTheIsolated
#PantawidPamilyaMIMAROPA
#SerbisyongMayMalasakit