Nagsagawa ng isang pagtatanghal ang mga kawani ng Pantawid Pamilya sa Oriental Mindoro kaugnay ng Bata Balik Eskwela Campaign ng programa

Bulalacao, Oriental Mindoro – Ngiti, halakhak, at luha – ilan lamang ito sa mga reaksyon ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office MIMAROPA na dumalo sa teatro na pinamagatang “Kasibanghay: Pantawid Pamilya Oriental Mindoro People’s Theater”. Ito ay isinagawa ng mga kawani ng Pantawid Pamilya Provincial Operations Office (POO) ng Oriental Mindoro sa Brgy. San Roque sa bayan ng Bulalacao noong ika-31 ng Mayo, 2019.

Kaugnay ng implementasyon ng Pantawid Pamilya ng Bata Balik Eskwela Campaign, isang daan at limampung (150) mga benepisyaryo na binubuo ng mga magulang at mga bata ang dumalo sa pagtatanghal na naglalayong hikayatin ang mga kabataang minomonitor ng programa sa edukasyon na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.

Ang Bata Balik Eskwela o BBE ay kampanya ng programa upang pabalikin ang mga kabataang tumigil sa pag-aaral dulot ng iba’t-ibang dahilan kagaya ng kawalan ng interes, pagtatrabaho, maagang pagbubuntis, pag-aasawa at iba pa. Hinihikayat ang mga kabataang ito na bumalik sa pagpasok sa formal school o kaya naman ay maiendorso sa Alternative Learning System (ALS) kung sila ay hindi nakatapos ng elementarya o hayskul o kaya naman ay hindi nakapasok ng paaralan kailanman.

Sinimulan ng POO-Oriental Mindoro ang unang pagtatanghal ng teatro noong Mayo 21 sa Brgy. San Aquilino, Bayan ng Roxas sa nasabing lalawigan at patuloy na isasagawa hanggang Hunyo 28, 2019 sa iba’t ibang munisipyo ng Oriental Mindoro, sa pangunguna ni Provincial Link Ms. Maridel T. Rodriguez, RSW. Sa pamamagitan nito, naipapakita sa mga benepisyaryo ang mga sitwasyong hango sa kanilang tunay na kalagayan sa isang masining na pamamaraan upang pukawin ang kanilang kamalayan hinggil sa mga karanasan at suliraning kinakaharap ng mga kabataan sa bahay, paaralan, at komunidad. Bukod dito, ang pagtatanghal ay nagpapakita rin ng mga solusyong maaaring gawin upang tugunan ang mga nasabing suliranin.

Layunin ng teatro na hikayatin ang mga kabataan at magulang na ipagpatuloy ang pag-aaral ng mga kabataan para sa kanilang magandang kinabukasan

Ang “Kasibanghay: Pantawid Pamilya Oriental Mindoro People’s Theater” na hango sa mga salitang “kasi” o love at “banghay” o project, ay nagtatampok ng pagtatanghal na nahahati sa tatlong iba’t ibang senaryo na kasalukuyang nangyayari at nagiging dahilan ng paghinto sa pag-aaral ng mga kabataan.

Sa unang senaryo ay itinatanghal ang mga pangyayari kung paano nawawalan ng interes ang isang bata sa kanyang pag-aaral, tulad ng impluwensiya ng barkada at pagkalulong sa iba’t ibang bisyo na nagiging dahilan ng pagliban sa klase. Sa pangalawang pagtatanghal naman ay ipinapakita kung paanong ang paghahanapbuhay sa murang edad ay isa rin sa dahilan ng paghinto sa pag-aaral. Dulot ng kakapusan sa pantustos sa pang-araw araw na pangangailangan ng pamilya, napipilitang pumasok sa paghahanap buhay ang bata upang makatulong sa magulang. Sa huling parte ng pagtatanghal ay itinatampok ang pangyayari kung paanong ang maagang pagbubuntis at pag-aasawa sa murang edad ay nakahahadlang sa tuluy-tuloy na pagpasok sa paaralan. Ipinapakita rin sa bawat senaryo na ang responsibilidad ng magulang na gabayan ang kanilang mga anak ay lubhang mahalaga upang matulungan ang mga kabataan na magkaroon ng tamang pananaw at patuloy na mangarap ng mas magandang buhay sa hinaharap.

Sa pagtatapos ng bawat pagtatanghal, isang Case Conference ang isinasagawa sa pangunguna ng SWO II, SWO III, at CVS Focal ng lalawigan upang higit na magbigay ng paggabay sa mga magulang at kabataan, at masiguro na sila ay makakabalik sa pag-aaral.

Umaasa ang pamunuan ng programa sa buong probinsya na ang gawaing ito ay magdulot ng positibong resulta kung saan mas maraming bata ang mahikayat at tumugon sa pangunahing layunin na sila ay maibalik sa pag-aaral upang sila ay magkaroon ng mas maayos na buhay sa hinaharap.

Sa kasalukuyan, mayroong 7,656 na bilang ng mga batang Pantawid sa probinsya ng Oriental Mindoro ang hindi pumapasok sa paaralan o hindi nagpatuloy sa pag-aaral.###

 

(Contributed by: Gellai Ferrer Adeva)

Loading