“Bago ito nagawa, yung project namin, napakahirap talaga ng dinaanan namin. Mahirap po pala kapag hindi naniniwala sa’yo ang mga taong nasa paligid mo, yung hihilahin ka pa nila pababa. ‘Yun po ang pinanghawakan ko, sabi ko sa sarili ko na ‘talagang itutuloy ko ito, hindi pwede na magpapatalo kami sa mga sabi-sabi,” ito ang mga katagang sinambit ni Luz E. Soriano, Presidente ng SLP MANHAK Association, ng tanungin siya ukol sa mga pagsubok na kanilang pinagdaanan bago makamit ang tagumpay ng kanilang Blue Crab Fattening Production.
Ang Blue Crab Fattening Production ng SLP MANHAK Association (Sustainable Livelihood Program – Manggagawang Aktibo na Naglalayong Harapin ang Kinabukasan), sa gabay at suporta ng Sustainable Livelihood Program ng Department of Social Welfare and Development Field Office MIMAROPA Region, ang hinirang na ‘Kampyon’ sa kategoryang Micro-Enterprise sa nakaraang SLP Bangon Kabuhayan 2017.
Bayanihan: Sandata sa Kahirapan
Nagsimula ang proyekto noong Disyembre 2015 sa Brgy. Manhac, Looc, Romblon.
Dahil napapalibutan ng karagatan at kabundukan ang kanilang lugar at sagana ito sa yamang dagat, napagpasyahan ng grupo na pagpapataba ng alimasag ang kanilang gawing proyekto.
Sa kanilang laban sa kahirapan, pamilya at pagbabayanihan ang kanilang naging sandigan.
Nagtulungan ang mga miyembro ng MANHAK, pati ang kanilang pamilya, upang mabuo ang proyekto – simula sa paghahabi ng net, pagtatayo ng cage, paghuli at pagpapataba ng alimasag.
“Dahil wala naman po kaming totoong sweldo sa pagtayo nito, pagbabayanihan po ginawa namin para tuloy-tuloy po. ‘Yun pong mga asawa at anak namin, nagtulong-tulong po kami sa pagbubuhat… sa lahat, para matapos po ito,” sambit ni Luz na may ningning sa kanyang mga mata.
Pati ang iba’t-ibang ahensya ng gobyerno ay nagtulungan upang suportahan ang proyekto. Naglaan ng P525, 741.00 ang SLP-DSWD para sa Skills Training at Cash for Building Livelihood Assets (CBLA) para sa pagtatayo ng kanilang ‘Foot Bridge at Bamboo Cottage’; nagbigay naman ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Science and Techlogy (DOST) ng training ukol sa pagnenegosyo at teknolohiya sa pagpapataba ng alimasag; sinuportahan naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagbibigay permit para mag-operate ang asosasyon, nagsagawa ng ‘Food for Work’ ang Municipal Social Welfare and Development (MSWDO) at nagbigay ng environmental permit ang Local Government Unit (LGU) ng Looc, Romblon upang magamit ng asosasyon ang lugar na pinagtirikan ng kanilang proyekto.
Women Empowerment
Bukod sa pagbabayanihan, ipinamalas din ng grupo ang ‘Women Empowerment’, siyam (9) sa 10 miyembro ng SLP MANHAK Association ay kababaihan. Higit sa lahat, babae ang kanilang presidente.
Pinatunayan ng asosasyon na hindi basehan ang kasarian upang maging matagumpay sa buhay.
Ang mga kababaihan ng SLP MANHAK Assoc., katuwang ang kanilang pamilya, ang nagpasan ng mabibigat na trabaho tulad ng paghahabi ng net, paggawa ng ‘Cage’ ng talangka, pagtatayo ng tulay at pagsisid sa karagatan.
“Kami po talagang gumawa ng lahat ng makikita ninyo dito. Kami po ang naglala ng mga net, nagbuhat ng mga kawayan para po mabuo ang aming cage at tulay. Sumisisid din po kami sa karagatan para po manguha ng mga talangka na aming papatabain, pagmamalakaing sambit ni Luz habang inaalala ang malaking kontribusyon ng kababaihan sa kanilang proyekto.
Kirot ng kahirapan ng buhay
Bago natikman ng grupo ang tagumpay, mas masakit pa siguro sa nasipit ng alimasag ang kanilang naranasan.
Noong hindi pa nagsisimula ang proyekto, kumikirot ang kanilang puso na makita ang kanilang pamilya na hikahos sa buhay — hindi sapat ang kanilang kita sa pangingisda sa pang araw-araw na gastusin, hindi sila makabili ng kagamitan sa bahay at higit sa lahat wala silang pantustos sa edukasyon ng mga anak.
“Mahirap po talaga ang buhay namin bago itong proyekto. Kulang pa minsan sa pangkain namin. Tapos napilitan akong patigilin yung college ko na nag-aaral ng Political Science. Masakit po para sa isang magulang na patigilin ang kanilang mga anak,” sagot ni Luz habang nanginginig ang kanyang boses sa pagpigil sa pagpatak ng luha sa kanyang mga mata.
Bukod pa rito, dahil sa hindi naman madaliang makita at makamtan ang bunga ng paghihirap, marami rin sa mga miyembro ng SLP MANHAK Association ang pinanghinaan ng loob sa kalagitnaan ng kanilang proyekto. Kumalas sila sa asosasyon sa pag-aakalang hindi magtatagumpay ang proyekto.
“Marami po ang umalis sa grupo namin dahil nga po wala naman kaming sweldo sa paggawa nito. Simula po 23 miyembro eh 10 nalang po kami. Kami po yung nagtiwala talaga na magiging matagumpay po itong proyekto naming ito. Kahit wala agad kita simula, go pa rin po kami,” paliwanag ni Luz kung bakit nangalahati nalang ang miyembro ng asosasyon.
Taba ng Talangka tungo sa Malusog na Pamumuhay
Sa tiwala, bayanihan at gabay ng may kapal, naging malusog din ang pamumuhay ng mga taga-SLP MANHAK Assoc. tulad ng mga pinataba nilang alimasag.
Kung dati, ang kita ng bawat miyembro ay 0 hanggang 100 piso, ngayon ay kumikita na sila ng P225.00 kada araw. Para naman sa buong asosasyon, kumikita sila ng P140,00.00 kada buwan.
Nagkaroon na ang asosasyon ngayon ng kanilang sariling ‘motor banca’ at karagdagang ‘fish nets’ na kanilang ginagamit upang higit na mapalawig ang kanilang proyekto.
Nakapagpundar din ang bawat miyembro ng iba’t ibang kagamitan sa bahay tulad ng refrigerator, rice cooker at telebisyon.
Bukod pa rito, natupad na rin nila ang ilan sa kahilingan ng kanilang pamilya. Si Gemma Tabayay, miyembro ng SLP MANHAK Association, ay natupad na ang kahilingan ng kanyang mga anak na makapanood ng malinaw sa kanilang telebisyon. Kamakailan ay nakapagpakabit na sila ng GSAT cable. Si Alita Gaito naman, miyembo din ng asosasyon, ay nakapagbigay ng mas malawak na tahanan para sa kaniyang pamilya ng nakapagpa-second floor siya ng kanilang bahay.
Isa rin sa kanilang pinagmamalaki ngayon ay ang kanilang kakayanang makapagpaaral ng mga anak. Karamihan sa kanila ay nakapagpatapos na ng kolehiyo.
Sa ngayon, ang anak ni Luz ay bumalik na sa kolehiyo at kumukuha ng kursong BS in Fisheries and Aquatic Resources upang makatulong sa pagpapaunlad ng kanilang Blue Crab Fattening Production.
Malaki rin ang naging kontribusyon ng asosasyon sa pag-unlad ng kanilang komunidad. Isa na sila sa mga pangunahing taga-supply ng alimasag sa iba’t ibang restaurant sa Looc, Romblon at sa karatig na Munisipyo. Pati mga turista sa Boracay ay nakatikim na rin ng kanilang mga matatabang alimasag.
Higit sa lahat, tumaas na ang kanilang kumpyansa sa sarili. Ang dating mahiyain, ngayon ay nagsisilbi ng tagapagsalita sa iba’t ibang okasyon upang maibahagi ang kanilang paglalakbay at paghihirap tungo sa masagana at matagumpay na proyekto.
Dati’y Utak Talangka, Ngayo’y Utak MANHAK
Ang Utak Talangka ay isa sa mga hindi magandang ugali ng mga Pilipino. Ito ang mga taong ayaw na may nakaka-lamang sa kanya, kapag nakaka-angat sa buhay ang isang kababayan ay sisiraan niya ito at pag-iisipan ng masama.
Sa una, ito ang malupit na naranasan nga mga taga SLP MANHAK Association — ang pagdudahan ang kanilang kakayanan at hilahin sila pababa upang hindi magtagumpay— pero ngayon, ang mga taong noo’y humamak sa kanila ang siya na nilang katuwang at katulong sa pag-angat sa buhay.
Dahil sa pagsisikap ng SLP MANHAK Association, sila ngayon ay nagsisilbi ng inspirasyon sa kanilang komunidad upang huwag mawalan ng pag-asa, magbayanihan at maging positibo upang makakamtan din ang inaasam na tagumpay sa buhay. Kung dati sila’y may ‘Utak Talangka’ na nanghihigla pababa, ngayon ay meron na silang ‘Utak MANHAK’ na humihila pataas at umaalalay sa tagumpay ng kanilang kapwa. ###